November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Kamakailan lamang ay ipinagdiwang sa buong bansa at mundo ang "National at World Teacher's Day bilang pagpupugay sa mga gurong nagsisilbing pangalawang magulang sa mga mag-aaral.

Sa iba't ibang paaralan sa bansa ay nagkaroon ng iba't ibang mga pakulo ang mga mag-aaral at klase kung paano nila ipakikita ang pagmamahal sa kanilang mga pinakamamahal na guro.

Nagdulot ng aliw sa mga netizen ang ibinahagi sa social media ng elementary teacher na si Ismail Mohamad Dimasangcay, 26-anyos mula sa Sominot (Don Mariano Marcos), Zamboanga del Sur, at isang Grade 1 teacher mula sa Datagan Elementary School.

Sa kaniyang Facebook post noong Oktubre 4 ay ibinida ni Teacher Ismail, na apat na taon nang nagtuturo sa Grade 1, ang mga regalo sa kaniya ng mga mag-aaral, na isang manok at mga sangkap sa pagluluto ng ulam na tinola.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa guro, sinabi niyang hindi siya makapaniwala sa natanggap niya. Ang nagbigay raw sa kaniya ng mga pantinola ay kapatid ng isa pa niyang estudyante noon. Ito raw ay pagpapakita ng pasasalamat para sa kaniya.

"Ang manok po ay bigay sa akin ng isang Subanen learner... Grade 1 pupil ko po," kuwento ng guro.

"Nagulat po ako sa regalo at masayang-masaya sabay pagpapasalamat sa napakamakabuluhang regalo na aking natanggap po."

"Sinabi niya na nagpapasalamat din ang kaniyang mga magulang dahil naging guro ako ng kuya niya noon. Masaya sila sa mga sakripisyo at pagsusumikap sa pagtuturo kahit malayo ang paaralan."

"Masaya rin ang aking estudyante na ibinigay sa akin ang manok dahil daw po sa kabaitan ko.... Natawa rin po ako kasi kasabay ng pagbigay sa akin ng manok ay may tanglad (lemon grass) na kasama, kasi pwede ko raw gawing tinola ang manok," natatawang kuwento pa ng guro.

Natanong ng Balita kung ginawa na ba niyang tinola ang manok.

"Buhay pa po ang manok. Inalagaan ko po, hehe nasasayangan kasi ako kasi gift siya ng pupil sa akin," sagot ni Dimasangcay.

Sa kaugnay na balita, isang babaeng guro naman ang nakatanggap din ng manok na tandang mula sa kaniyang estudyante.

MAKI-BALITA: 'Talpakan na!' Guro, nakatanggap ng manok na tandang mula sa pupils