December 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?
Photo courtesy: Pexels

Ang pagdalo sa mga live concert ay higit pa sa simpleng libangan—ito'y nagiging paraan para makaiwas ang mga tao sa stress ng pang-araw-araw na buhay.

Mapa-international na pop star man tulad ni Olivia Rodrigo na kamakailan lang ay nag-concert sa ating bansa o mga lokal na banda gaya ng Ben&Ben at iba pa, hindi maikakaila ang mga emosyonal at sikolohikal na benepisyong dala ng mga live performance.

Sa ulat ng GMA News, isa sa mga masuwerteng nakakuha ng VIP ticket sa sold-out na concert ni Olivia ay si Gelo De Vera. Ayon sa kaniya, "Sobrang saya kasi feeling ko pinsan ko 'yung nag-pe-perform here in her home country. Ilang beses din siyang muntikang umiyak and na-fi-feel talaga namin na genuine."

Isa siyang masugid na concert goer na hindi lamang dumalo sa “Guts” concert, kundi pati sa mga concert ng ibang lokal at international artists tulad ng BINI, Taylor Swift, at Blackpink.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Para kay Gelo, ang concerts ay personal na pagtakas. Aniya, "Escape kasi from reality 'yung panonood ng concerts. There's no better way of experiencing those music than seeing them live."

Ayon kay Dr. Rea Celine Villa, isang psychologist, nakatutulong ang alisin concerts para makapagbigay ng stress relief at mailabas ang mga naipong emosyon. "Kasama natin 'yong mga taong may parehong hilig, so ito ang nagbibigay s'atin ng feeling na connected tayo. Minsan, may emotions tayong tinatago at ang concert ang isang way para mailabas ito," paliwanag ni Dr. Villa.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng "delayed gratification" dahil maraming fans ang nagsasakripisyong mag-ipon ng pera para makadalo sa concert, kaya’t mas nagiging makabuluhan ang karanasan.

Samantala, isang pag-aaral sa United Kingdom ang nagpapakita ng pisikal na benepisyong dala ng mga concert. Sa pamamagitan ng pagsuri sa sample ng laway ng mga concertgoers, natuklasan na ang pagdalo sa mga live performance ay nagpapababa ng stress hormones sa katawan.

Ipinakita ng resulta na bumaba ang antas ng cortisol sa mga participants, anuman ang kanilang edad o karanasan sa musika, na nagpapatunay ng benepisyo ng live concerts para sa lahat.

Sa kabuuan, ipinapakita ng mga ito na ang concerts ay hindi lamang kasiyahan—ito'y nagiging paraan ng pagpapalaya mula sa stress ng pang-araw-araw na buhay at pagkonekta sa ibang tao.

Mariah Ang