Opisyal nang naghain ng kaniyang kandidatura sa pagkasenador si dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez ngayong Martes, Oktubre 8, sa The Manila Hotel Tent City.
Sa pagharap ni Rodriguez sa media, sinabi niyang tumugon umano siya sa pakiusap ng Overseas Filipino Workers (OFW) at sa hamon ng Hakbang ng Maisug na pamunuan ang oposisyon.
“Sa gitna ng tila nakakabinging katahimikan at pagkunsinti sa kaliwa’t kanang korupsiyon—korupsiyon at higit pang korupsiyon—kagaya po ninyo, hindi ko rin matanggap na magpatuloy ang ganitong uri ng baluktot na pamunuan,” saad ni Rodriguez.
“Kung kaya’t nadining ko at tumugon ako sa pakiusap ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) at tumugon sa hamon ng Hakbang ng Maisug na pamunuan ang tunay na oposisyon,” wika niya.
Dagdag pa ng dating executive secretary, tumakbo raw siya bilang independent senatorial aspirant bilang pagkilala na ang tanging partido raw niya ay ang republika ng Pilipinas.
“Ako ay naghain bilang isang independent candidate bilang pagkilala at pagsagisag na ang tanging partido ay ang republika ng Pilipinas at ang aking mga kaalyado ay kayong mga Pilipino,” aniya.
Matatandaang Setyembre 2022 nang ianunsiyo ni Rodriguez ang pagbibitiw niya bilang executive secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbog” Marcos, Jr.
Pero bago pa man ito ay matagal na naging abogado at tagapagsalita ni PBBM si Rodriguez.
MAKI-BALITA: Vic Rodriguez, binasag na ang katahimikan tungkol sa pagkalas bilang Executive Sec ni PBBM