November 22, 2024

Home BALITA Eleksyon

Vendor, kakandidatong senador; nanawagan ng tulong para sa anak na may rare disease

Vendor, kakandidatong senador; nanawagan ng tulong para sa anak na may rare disease
Photo Courtesy: MJ Salcedo/Balita

Emosyunal ang street food vendor na si Nelson Ancajas nang maghain siya ng certificate of candidacy (COC) sa pagkasenador sa darating na 2025 midterm elections.

Sa kaniyang pananalita sa harap ng media, inilatag ni Nelson ang platporma niya kung bakit hinangad niyang tumakbo para sa nasabing posisyon.

“Alam n’yo kung bakit ako nandito? Kasi para ipakita sa Pilipinas, kay Mr. President, kay DOH kung paano ang sistema n’yo sa rare disease na congenital adrenal hyperplasia. Alam n’yo po bang napakahirap?” himutok ni Ancajas.

“2016 pinasa ang Rare Disease Act. Ang batas na nagbibigay para ma-improve ang healthcare system sa mga rare disease subalit hanggang ngayon wala pa pong isang gamot na hydrocortisone emergency kit,” aniya.

Eleksyon

George Garcia sa eleksyon sa Pilipinas: 'Walang natatalo, lahat nadadaya'

Kaya naman hindi naiwasang ikuwento ni Ancajas ang tungkol sa umano’y isang namatay dahil hindi agad naagapan ang kondisyon nito.

Ayon sa kaniya.“Nakaraan lang po, mayroon pong isang namatay from Palawan. Dahil po malayo ang travel nila, umaabot ng 3 to 4 hours. Kung mayroon po sanang emergency kit, mabubuhay po sana ang mga bata.” 

“Sana, Mr. President, DOH, baguhin na natin ‘to. Baguhin na ‘yong sistemang nagpapahirap o kung bakit patuloy namamatay ‘yong mga ganitong bata,” hiling niya.

Dagdag pa niya: “Sa DSWD [Department of Social Welfare and Development] po, nananawagan po ako. Kagaya po ngayon, ‘pag lalapit ka ng gamot. Bibigyan ka ng schedule. December pa po. Napakalayo! ‘Yong gamot gagawin pa po. Ba’t ‘di n’yo baguhin?”

Bukod dito, binanggit din ni Ancajas ang tungkol sa pagkakaltas ng budget sa Philippine General Hospital (PGH). 

“Sa PGH, doon kami nagpapagamot. Maraming umaasa. Anong ginagawa ng gobyerno natin ngayon? Binabawasan ‘yong budget! Sa bawat pagbawas n’yo ng budget, buhay po sana ang naging kapalit po niyon,” giit niya.

Si Ancajas ay nakapagtapos umano ng business administration sa kolehiyo. Kasalukuyang street food vendor mula sa bayan ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Samantala, narito ang detalye para sa mga nais tumulong sa anak ni Ancajas: GCash number - 09381422719 at LANDBANK - 3466-1863-75. Maaari ding makipag-ugnayan sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account