Trending sa X ang content creator na dating flight attendant na si Jen Barangan matapos niyang i-flex ang pag-record sa sarili nang nakabukas pa ang likod na flashlight, habang nasa loob ng "GUTS" concert ni Filipino-American singer Olivia Rodrigo na naganap sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Makikita si Jen na habang nakatutok sa kaniya ang camera ng cellphone at inire-record ang sarili ay nakabukas naman ang ilaw sa likod, na sinita ng mga netizen na nakakaistorbo raw sa iba pang mga manonood sa concert venue.
Tila nauuso na raw ang mga ganitong ganap sa mga concert goers para lamang ipakitang nakapasok sila sa concert.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"Iritang irita ako sa video ni Jen Barangan nung concert ni Olivia jusq."
"Kung ako yan sorry is not enough, hindi naenjoy nung mga nasa likod mo yung concert, malay mo once in a lifetime experience pala nila yun. Jen Barangan basic etiquette lang yan."
"biglang naging pet peeve ng lahat"
"Okay lang yan, ate jen i hope u learn from it"
"I dont understand where is all the hate coming from"
"Medyo may pag kasarcastic.. pero atleast sorry."
Matapos ma-bash, agad namang naglabas ng simpleng paghingi ng tawad si Jen sa kaniyang social media platforms.
"To everyone, I'm so sorry for my actions. Best, Jen."
CONCERT ETIQUETTES
Kadalasan, bago magsimula ang isang concert o show ay nagkakaroon ng paalala sa mga manonood patungkol sa tamang paggamit ng gadgets, lalo na kung makakaistorbo ito sa iba.
Sa loob ng sinehan at teatro, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan at video habang on-going ang shows, lalo na kung bubuksan ang ilaw dahil maaari itong makaistorbo sa iba pang mga manonood.
Sa concerts naman, bagama't hindi naman mahigpit sa pagkuha ng larawan at video, hinihikayat pa rin ang mga manonood na isagawa ang mga tamang behavior upang hindi makasakit o makaperwisyo sa iba pang concert goers na nagbayad nang mahal na ticket para lamang makapanood at makaranas ng concert feels.
Kabilang na rito ang paggamit ng flashlight lalo na kung naitututok ito sa mata ng mga katabi o mga manonood sa likod, na may karapatan din namang mag-enjoy sa panonood.