Mahalagang mahubog ang “Good Manners and Right Conduct” sa mga bata dahil ito ang pundasyon ng kanilang pagkatao at pakikitungo sa lipunan—tinuturuan sila nito ng respeto, disiplina, at malasakit sa kapwa, na makatutulong sa kanilang moral na pag-unlad at pagiging responsableng mamamayan.
Kamakailan ay nagsagawa ng isang mahalagang lecture ang mga tauhan ng Regional Maritime Unit III sa ilalim ng Project Kalinga Team, sa Barangay Mabayo, Morong, Bataan.
Isinagawa nila ito sa unang araw ng Oktubre, ilang araw bago ang selebrasyon ng “World Teacher’s Day.
Pinangunahan ang pagtitipon para sa labing-isang benepisyaryo ng "School in a Boat" project, na naglalayong magbigay kaalaman sa mga kabataan at pamilya sa pamayanan.
Tinalakay sa lecture ang iba't ibang responsibilidad ng bawat miyembro ng pamilya, na nagbigay diin sa kahalagahan ng pagmamahalan, suporta, at paggabay para sa mas matibay na pundasyon ng kanilang mga tahanan.
Ang programang ito ay idinisenyo upang palakasin ang ugnayan ng pamilya, at bumuo ng mas malalim na pag-unawa sa mga tungkulin na ginagampanan ng bawat-isa.
ANO ANG SCHOOL-IN-A-BOAT PROJECT?
Ang School in a Boat project ay inilunsad noong Agosto 13, 2024, na may layuning magbigay ng edukasyon sa Good Manners and Right Conduct, pagmamahal sa bayan, at pangangalaga sa kalikasan.
Ang proyektong ito ay pangunahing nakatuon sa mga batang may edad 4 hanggang 7, mula sa mga kapuspalad na pamilya sa mga baybaying barangay ng rehiyon, partikular na sa mga batang hindi na nakapasok sa paaralan.
Ang inisyatiba ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng Regional Maritime Unit III upang maabot ang mga pamayanang malalayong lugar at magbigay ng edukasyon sa mga batang higit na nangangailangan.
Mariah Ang