November 22, 2024

Home SPORTS

‘Hindi na raw tungkol sa basketball;’ Coaching staff ng La Salle, UP, nagkaduruan!

‘Hindi na raw tungkol sa basketball;’ Coaching staff ng La Salle, UP, nagkaduruan!
Photo courtesy: UAAP Media Bureau

Hindi lang manlalaro ng rival teams na De La Salle University Green Archers at University of the Philippines Fighting Maroons ang nagkainitan sa first round meeting nila nitong Linggo, Oktubre 6, 2024 sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Nauwi sa duruan at tila nakaamba pang lumala ang komosyong nangyari sa pagitan ng La Salle at UP coaching staff sa kasagsagan ng third quarter, dahilan kung bakit pansamantalang nahinto ang dikdikang laban ng dalawang koponan.

Pabirong sinagot ni La Salle coaching staff Gian Nazario sa post-game interview ang kaniyang dahilan kung bakit niya nagawang duruin ang koponan ng UP.

“Actually, nagulat na lang akong nagtatayuan na ‘yung coaches, nagduduruan na sila, so tumayo na rin ako, nakituro na lang ako,” saad ni Nazario.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Iginiit niya rin na nais niya lamang na protektahan umano ang kanilang coaching staff sa gitna nang umiinit na tensyon kontra UP.

“But kidding aside, siyempre emotions were really high at that point. I don’t really know honestly what transpired, I’m just there to protect my coaches as well,” ani Nazario.

Isang malaman at maikling sagot naman ang ibinahagi ni UP Fighting Maroons Head Coach Goldwin Monteverde hinggil sa girian nila ng La Salle.

“Whatever yung init na nangyari, hindi tungkol sa basketball e. Kung basketball lang, okay lang e, being competitive, both sides will give their best,” sagot ni Monteverde sa post-game interview.

Hindi naman niya idinetalye ang malinaw na rason ng kanilang komosyon ngunit hindi sinabi niyang labas na umano sa basketball at walang kaugnayan sa laro ang animo’y dahilan kung bakit nagkasuguran ang kani-kanilang coaching staff.

“But siyempre, pangit kasi yung may mga ibang bagay na ginagawa sa loob na walang kaugnayan sa laro e. On our part, yung mga player magre-react din in a way and even yung bench.” saad pa ni Monteverde.

Samantala, sa pagtatapos ng laban, tuluyang ginasgasan ng defending champions ang winning streak ng UP, 68-56, upang tumabla sa team standing na 6-1 record sa pagtatapos ng first round meeting ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 87 men’s basketball tournament.

Kate Garcia