November 15, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Chloe, nakaranas daw ng domestic violence sa madir kaya naglayas sa poder niya!

Chloe, nakaranas daw ng domestic violence sa madir kaya naglayas sa poder niya!
Photo courtesy: Screenshot from Toni Talks (YouTube)/Marie San Jose thru Atty. James Ciudadano

Usap-usapan ang mga naging rebelasyon ni Chloe San Jose sa naging panayam sa kaniya sa "Toni Talks" kung saan nagbukas siya ng kaniyang panig patungkol sa ilang mga isyung ipinukol sa kaniya.

Isa na rito ang umano'y naranasan niyang "domestic violence" sa kamay ng biological mother na si Marie San Jose, na nakatira na sa Australia.

Kuwento ni Chloe, lola niya raw ang nagpalaki sa kaniya sa Australia at wala siyang "mother figure" na 24/7 ang presensya sa kaniya. Nasanay raw siya na ang mga kasama niya ay mga tito, tita, at mga pinsan. Mas naranasan daw niyang magkaroon ng mother figure nang lumipat siya sa Australia kasama ang kapatid na babae.

Isa raw sa mga nakaimpluwensya sa kaniyang palabang personalidad ngayon ay kaniyang lola, dahil sa pagiging palaban din nito.

Tsika at Intriga

Negosyo, nalugi! Ken Chan, 'di raw tinatakbuhan isinampang kaso sa kaniya

Malaking adjustment daw ang nangyari sa kaniya nang lumipat na siya sa Australia at makasama na ang biological mother, dahil matagal na panahon nga raw siyang walang mother figure.

Sa una raw ay naging maayos naman ang pamumuhay niya sa Australia, subalit nang tumuntong na siya sa teenage years, doon na raw nagsimulang maging "tough" ang lahat.

Pag-amin ni Chloe, nagkaroon siya ng problema sa relationship niya sa nadatnang family members sa Australia. Bukod dito, nakaranas umano siya ng "domestic violence" mula sa ina.

"I experienced domestic violence," sagot ni Chloe.

Hindi raw "healthy environment" ang nasaksihan ni Chloe kaya sa edad na 16 ay ninais na niyang umalis sa poder ng ina. At dahil nga menor de edad, naghintay pa raw siya ng dalawang taon para tuluyan siyang makaalis.

"Hindi lang po kasi physically eh, pati po verbal po," saad pa ni Chloe, nang tanungin siya ni Toni kung bakit nasabi niyang mas grabe pa ang mga napagdaanan noong bata pa siya, kaya siya tumapang at lumakas pang lalo ang personalidad nang tumuntong na sa tamang edad.

Iyon daw siguro ang dahilan kung bakit namimisterpret ng iba ang kaniyang personalidad dahil hindi nila alam ang kaniyang pinagdaanan sa childhood.

Dumating pa raw sa puntong gustong-gusto niyang may pasok sa school dahil ibig sabihin, wala siya sa bahay. Sumali siya sa extra curricular activities para kahit weekend ay nagpupunta siya sa paaralan.

Naikuwento pa ni Chloe kung paano siya lumayas sa poder ng ina. Sa kalagitnaan daw ng pagsasalo-salo nila sa hapag-kainan ay nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ng ina.

Umakyat daw siya sa kuwarto niya subalit sinundan daw siya ng ina, na nag-trigger sa kaniya para mag-empake at tuluyang lisanin ang poder nito.

18-anyos si Chloe nang tuluyan siyang umalis sa poder ng ina, at isang taon ang nakalipas, nakuha naman niya ang kapatid na babae, noong 17-anyos ito. Nakituloy daw si Chloe sa bahay ng kaniyang matalik na kaibigan, bagay na hindi na raw ikinagulat ng pamilya nito, dahil sila ang naging takbuhan niya noong mga panahong masama ang loob sa kaniyang ina. Sa katunayan nga raw, nakahanda na raw ang kuwarto at closet niya sa bahay nila, kung sakaling maisipan nga raw na lumayas na sa kanila.

Pitong buwan daw siyang tumira sa poder ng kaniyang bestfriend hanggang sa makatapos siya ng high school. Saka lang daw siya bumukod at nakapagrenta ng sariling tirahan.

Simula raw nang lumayas siya sa poder ng ina ay sinubukan pa nilang mag-usap subalit hindi raw talaga nag-work. Ang huling pag-uusap daw nila ay noon pang 2020.

Nakita raw kasi ni Chloe na pare-pareho lang ang "pattern" dahil makalipas lamang daw ang dalawang linggo ay bumabalik na naman sa "bangayan" ang kanilang ugnayan.

"This is not healthy anymore, parang remove myself in this environment po," paliwanag ni Chloe.

"Wala" ang sagot ni Chloe nang tanungin siya ni Toni kung sino ba ang nagturo sa kaniya ng mga prinsipyo sa buhay o nagsilbing moral compass niya. Ang kinapitan ni Chloe ay mga naging karanasan niya sa buhay.

Kaya nang dumating sa buhay niya ang boyfriend na si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo noong 2020, dito na nagkaroon ng tila direksyon ang buhay niya.

PAGLANTAD NG INA NI CHLOE NA SI MARIE SAN JOSE

Matatandang eksklusibo at unang inilabas ng Balita noong Setyembre 7 ang tungkol sa pagbubukas ng panig ng ina ni Chloe na si Maria Fe San Jose o "Marie" patungkol sa iba't ibang isyung kinasasangkutan ng anak, at paglilinaw sa ilang mga kontrobersiyang ipinupukol din sa kaniya, sa tulong ng kaniyang legal counsel at spokesperson na si Atty. James Mark Ciudadano.

"Marie, her mother, for the longest time decided to keep quiet to keep the peace and not be dragged into the issues, however due to the multitude of posts that contain misinformation and images of her minor children being posted online without her consent, has deeply troubled and affected her and her family emotionally," saad ni Atty. Ciudadano sa panayam ng Balita.

Kinumpirma rin ng abogado na totoo ang mga lumutang na haka-hakang hindi maganda ang relasyon nina Chloe at Marie, dahil sa kaibigan ng kanilang "values" at "parenting issues." Pero menor de edad pa raw kasi si Chloe noon, at tila nagkaroon ng gap sa pagitan ng parenting style ng isang Pilipino sa kinagisnang parenting style sa Australia kung saan lumaki si Chloe.

"It is true, even before Carlos and Chloe met, my client [Marie] and Chloe already were having a difficult relationship due to the difference of ideas regarding parenting over the then minor Chloe."

"The gap started as I said Chloe was a minor then, a few years before reaching 18 years old, she was insisting on her way, and my client retaining her Filipino values, being a protective mother and having the best interest of Chloe in mind, did not agree, consequently the frequent clash of ideas led to the gap."

Ngunit kahit na nagkakasamaan ng loob ang mag-ina, itinanggi ng legal counsel na hindi umabot sa demandahan ang problema ng mag-ina. Wala umanong isinampang kaso si Chloe laban sa ina, at gayundin naman si Marie laban sa anak.

"Regarding the alleged case filed by Chloe against my client is not true, Chloe did not file any case against my client," paliwanag ng abogado.

Nagpadala ng kopya ng "special power of attorney" o SPA si Atty. Ciudadano sa Balita upang patunayang siya ang legal counsel at spokesperson ni Marie para linawin ang mga isyung kinasasangkutan niya at anak na si Chloe, dito sa Pilipinas.

Sa panibagong mga pasabog ni Chloe, nagpadala ng mensahe ang Balita kay Atty. Ciudadano upang hingin ang kanilang panig tungkol sa mga rebelasyon ng anak ng kaniyang kliyente, subalit wala pa silang tugon.

KAUGNAY NA EKSKLUSIBONG BALITA: Biological mom ni Chloe San Jose nagsalita na; relasyon sa anak, 'di rin maganda?