Tinulungan daw umano ni dating Ilocos Sur governor at senatorial aspirant Chavit Singson si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. noong 2022 elections.
Sa kaniyang pagharap sa media matapos maghain ng certificate of candidacy (COC) sa pagkasenador ngayong Lunes, Oktubre 7, nagpasalamat si Singson kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil inendorso siya nito.
Kasunod nito, ibinahagi niya na tinulungan niya raw si Marcos noong 2022 elections.
"Si Presidente [Bongbong] Marcos tinulungan ko. Ang plano lang niya noon [ay tumakbong] vice president. Ako ang nagsabi na presidente ang i-file, pero kapag nag-file si Sara [Duterte] [bilang presidente], dahil napakalakas ni Sara, bababa ka. I'll have the leverage to talk to Sara na maging vice president ka, protected ka na, hindi ka na madadaya," anang senatorial aspirant.
"Tinulungan ko si President Marcos, hindi pa ako in-endorse. Kung i-endorse ako, salamat pero kung hindi salamat pa rin," dagdag pa niya.
Matatandaang noong Setyembre 26 nang opisyal at pormal na ipinakilala ni Marcos ang senatorial candidates na ineendorso ng administrasyon.
BASAHIN: PBBM, ipinakilala mga kaalyansang senatorial candidates para sa 'Bagong Pilipinas'
Samantala, manalo man o matalo, nangako si Singson na magbibigay siya ng discounted price ng modernized jeepney unit sa mga jeepney drivers.