Isa raw sa mga isusulong na plataporma ng EDU-AKSYON Party-list sa kongreso ay ang pagbabawas ng kurikulum sa kolehiyo nang maghain sila ng certificate of nominations and acceptance (CONA) ngayong Linggo, Oktubre 6, sa The Manila Hotel Tent City.
Sa panayam ng media sa grupo, inilatag ni EDU-AKSYON Secretary General Domingo Brum, Jr. ang ilang detalye tungkol sa kanilang nasabing plataporma.
“Isa sa aming mga nais isulong ay ang pag-reduce sa kurikulum such that matatapos ang college—instead of 4 years—in 3 years,” saad ni Brum, Jr.
Dagdag pa niya: “Ang 3 years na ‘yon will be made up of 2 years of classroom learning and 1 year OJT (on-the-job training).”
Samantala, kinonsulta rin ng Balita ang propesor at 3rd nominee ng ACT Teachers Party-list na si Dr. David Michael San Juan hinggil dito nang maghain sila ng CONA sa pareho ring araw.
Ayon kay San Juan: “Wala naman problemang magbawas ng taon kung matitiyak na ang kalidad ng edukasyon ay maayos pa rin.”
“Wala naman sa haba ng taon. Basta matitiyak na de-kalidad pa rin ang edukasyon,” dugtong pa niya.