Muling nabuhay ang mga panawagang wakasan ang hazing matapos hatulan ng Manila Court ng reclusion perpetua, o hanggang 40 taong pagkakakulong, ang 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity na responsable sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.
Si Castillo, isang freshman law student sa University of Santo Tomas, ay nasawi noong 2017 dahil sa matinding pinsalang natamo mula sa hazing rites ng nasabing fraternity.
Pitong taon matapos ang trahedya, ipinagkaloob ang hustisya sa pamilya ni Castillo, kasama ang halos ₱700,000 na bayad-pinsala.
Ang hatol na ito ay itinuturing na isang mahalagang tagumpay laban sa karahasan umano ng ilang mga fraternity. Samantala, isa pang kaso ng hazing ang lumabas kaugnay ng pagkamatay ng Grade 11 student na si Ren Joseph Bayan, na hinihinalang biktima ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.
Patuloy na inuungkat ang mga insidenteng ito, na nagbubukas ng usapin sa patuloy na pag-iral ng karahasang ito sa kabila ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018, na nagbabawal sa lahat ng uri ng hazing sa mga fraternity, sorority, at iba pang organisasyon.
Mariah Ang