Nagulat ang mga netizen sa pasabog na anunsyo ng dating Pinoy Big Brother housemate at transman na si Jesi Corcuera na siya ay nagdadalang-tao.
Una nang nanggulat ang dati ring StarStruck contestant noong 2021, nang i-anunsyo niya ang pagsasailalim niya sa proseso ng transisyon bilang isang transman.
MAKI-BALITA: Dating StarStruck hopeful at PBB housemate na si Jesi Corcuera, 'malaya' na bilang transman
Sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Oktubre 5, ikinuwento ni Jesi ang kaniyang journey sa pagnanais na magkaroon ng sariling anak. Aniya, sumailalim siya sa proseso ng IVF o In Vitro Fertilization.
Ang IVF ay isang prosesong medikal na isinasagawa upang matulungan ang mga mag-asawa o indibidwal na magkaroon ng sariling anak, lalo na kung sila ay may problema sa fertility. Sa prosesong ito, ang mga itlog (o ova) ng babae ay kinukuha mula sa kaniyang obaryo at pinagsasama sa sperm ng lalaki sa isang laboratory dish o "in vitro" (labas ng katawan). Kapag nagtagumpay ang fertilization, ang nabubuong embryo ay ilalagay sa matris ng babae upang magpatuloy ang pagbubuntis.
Ginagamit ang IVF kapag ang mga mag-asawa o indibidwal ay nahihirapang magbuntis nang natural dahil sa iba't ibang dahilan tulad ng problema sa fallopian tubes, male infertility, o hindi maipaliwanag na kawalan ng anak.
Sa kaso ni Jesi, siya ay isang transman at may partner na babae. Kuwento niya, 2018 nang mapagdesisyunan niyang planuhin ang pagkakaroon ng anak.
"Sa lahat ng gagawan ko ng caption, ito na yata yung pinakanahirapan ako," saad ni Jesi sa kaniyang post.
"Alam ko mahihirapan din kayong intindihin kung paano ito nangyari. 2018 nung simulan kong planuhing magkaroon ng anak. Pero that time, maraming struggles, lalo na financially and hindi rin naman biro ang gastos sa unang plano kong mag-IVF."
"Hanggang sa bumalik sa buhay ko si Cams pati ang mga bata. Naisip kong parang sign na yata ito ni Lord sakin. Baka ito yung warm-up Niya para sakin kung paano ako magiging magulang soon. Sa pagtayo ko bilang tatay ng mga anak ni Cams, maraming naging realizations. Isa na dun yung baka may chance pa pala akong magkaroon ng sarili kong anak."
"Fast forward ngayong taon, di ko in-expect na mabubuo siya through my last option na ako ang magdadala pero sobrang thankful ako na pinagkaloob ito ng Diyos sa akin."
"Hindi naging madali ang prosesong ito para sa akin kaya sana hindi niyo rin ganun kadaling husgahan kung anong nakikita niyo ngayon."
"Simple lang naman ang gusto ko, yung magkaroon ng matatawag kong sariling akin. Alam kong may mga anak akong inako kay Cams at walang mababago dun sa pagdating ni 'Ninja' (nickname ng baby ko Hahaha). Sa lahat ng desisyon ko sa buhay, malaki ang naging parte ng mga bata at ni Cams sa kung ano ako ngayon."
"Samahan niyo kami sa bagong journey ng buhay kong ito. At sana kapulutan ng aral at inspirasyon ng marami," saad pa niya.
Congrats, Jesi!