November 24, 2024

Home BALITA National

De Lima, hinamon si Roque na sumuko: 'Hindi 'yung nagtatapangan lang siya!'

De Lima, hinamon si Roque na sumuko: 'Hindi 'yung nagtatapangan lang siya!'
(file photo)

Hinamon ni dating Senador Leila de Lima si dating Presidential spokesperson Harry Roque na huwag “magtatapag-tapangan” bagkus ay sumuko na kung wala naman daw siyang tinatago.

Sa kanilang paghain ng certificate of nomination and acceptance (CONA) ng Mamamayang Liberal Party-list (ML) kung saan siya ang first nominee, iginiit ni De Lima na dapat lang na magpakita na si Roque dahil kung siya nga raw noon ay humarap sa batas kahit gawa-gawa lamang umano ang kaniyang mga naging kaso.

"Ako nga hinarap ko eh, kahit gawa-gawang kaso. Hinarap ko 'yung batas. I respected the rule of law, I went through the whole process even if it was so painful and tedious on may part," ani De Lima.

"Dapat ganun. Kung wala kang kasalanan, wala kang tinatago, harapin mo nang buong tapang. Hindi 'yung nagtatapangan lang siya by means of nagla-live feed na lang siya”

National

Bam Aquino sa girian sa politika: 'Taumbayan na naman naiipit!'

"Iniinsulto pa niya ang ating mga law enforcers," saad pa niya.

Matatandaang nagsampa ng kaso ang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong drug-related charges laban kay De Lima, na naging hayagang kritiko ng nangyaring war on drugs sa bansa. 

Kaugnay nito, iginiit ng noo’y presidential spokesperson na si Roque na dapat umanong makulong habambuhay si De Lima.

Matapos ang mahigit anim na taong pagkakapiit ay napawalang-sala naman si De Lima sa naturang tatlong kasong ibinato laban sa kaniya.

"Siguro naman na-realize na niya kung gaano kamali ang mga nasabi niya tungkol sa akin, sa mga ginawa niya sa akin, I think he should realize that,” ani De Lima na pinatutungkulan si Roque.

“So really, marunong talaga ang Diyos,” saad pa niya.

Matatandaang noong Setyembre 12 nang ipa-cite in contempt ng House quad committee si Roque sa ikalawang pagkakataon matapos hindi sumipot sa pagdinig at kabiguang magsumite ng mga hinihinging dokumento sa Komite, tulad ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Ang pagdinig na isinagawa ng Komite ay hinggil imbestigasyon nito sa POGO na Lucky South 99, kung saan si Roque umano ang lumalabas na legal counsel nito.

MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom

Matapos ilabas ang arrest order laban sa kaniya, nagtago si Roque, dahilan kaya’t tinawag siya ng chairperson ng quad-committee na si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na “pugante.”

Samantala, sa isang video message nitong Lunes, Setyembre 16, iginiit ni Roque na mahalaga raw ang kaniyang “kalayaan” kaya’t hindi na niya ito isusuko muli.

MAKI-BALITA: Harry Roque, 'di raw paaaresto: 'Hindi ko po isu-surrender muli ang aking kalayaan'