November 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Albay LEPT topnotcher pinipili pa ring magturo sa Pilipinas, bakit nga ba?

Albay LEPT topnotcher pinipili pa ring magturo sa Pilipinas, bakit nga ba?
Photo Courtesy: Angelica Llona Baroso (FB)

Sa gitna ng patuloy na krisis sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas, isa ang kuwento ni Angelica Llona Baroso, 24, na nagtapos bilang Top 4 sa March 2024 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT), na nagbibigay liwanag at pag-asa.

Sa gitna ng datos mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) mula 2011 hanggang 2017, ipinapakita na halos 1,500 guro ang umaalis ng bansa kada taon para magtrabaho sa ibang bansa.

Karamihan dito ay bunga umano ng mababang sahod, hirap sa trabaho, at burnout. Ngunit ang dedikasyon ni Baroso na manatili sa Pilipinas upang magturo ay isang inspirasyon sa kabila ng patuloy na pagtaas ng demand para sa mga guro sa loob at labas ng bansa.

Sa ulat ng Philippine News Agency, lumaki si Baroso sa isang simpleng pamilya sa Libon, Albay, bilang anak ng isang magsasaka at maybahay. Ayon kay Baroso, “I was fortunate enough to be surrounded by passionate and dedicated teachers whose examples inspired me to follow in their footsteps at an early age.” Naging malaking impluwensya sa kaniya ang mga guro na nagmulat sa kaniya sa kagandahan ng pagtuturo.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Nagpatuloy siya sa Bicol University-Daraga campus upang kumuha ng kursong Secondary Education major in Science noong 2018. Ngunit kinailangan niyang magpahinga ng isang taon dahil sa isang health condition na humantong sa operasyon ng bilateral hernia.

Sa kabila ng pagsubok, nakita ni Baroso ang pagkakataon para mas palakasin ang kanyang loob at pagnanais na makapagtapos. Nang bumalik siya sa pag-aaral, buo ang kaniyang loob na makamit ang pangarap na maging guro at maging unang nagtapos na degree holder sa kanilang pamilya.

Ayon sa United Nations, nangangailangan ang mundo ng 44 milyon na guro bago matapos ang 2030 upang maabot ang Sustainable Development Goal para sa kalidad at pantay na edukasyon. Subalit sa Pilipinas, marami sa mga guro ang tumutungo sa China, Saudi Arabia, Singapore, Japan, at Thailand para maghanap ng mas magandang oportunidad, ayon sa POEA. Ngunit si Baroso, bagamat inamin na pumasok sa isip niya ang pag-aabroad, mas pinili niyang manatili sa bansa.

Paliwanag ni Baroso, “My heart literally beats for the Philippines.” Dagdag pa niya, upang mahikayat ang mga kabataang guro na manatili, dapat silang suportahan ng sapat mula sa pamahalaan. Kabilang dito ang pag-align ng pre-service training sa mga subject na ituturo ng mga bagong guro, at ang pag-unload sa kanila ng mga administratibong gawain upang makapag-focus sa pagtuturo. Dapat din silang bigyan ng access sa makabagong teknolohiya at iba pang resources para mapalawak ang kanilang kakayahan sa pagtuturo.

Sa determinasyon ni Baroso na magtagumpay bilang guro, ipinapakita nito na sa tamang suporta at oportunidad, ang mga batang guro ang maaaring maging solusyon sa kakulangan ng guro sa bansa.

Mariah Ang