November 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Anong dapat gawin ng mga babaeng hirap magpapayat dahil sa PCOS?

ALAMIN: Anong dapat gawin ng mga babaeng hirap magpapayat dahil sa PCOS?
Photo courtesy: Pexels

Nahihirapang magbawas ng timbang ang mga babaeng may Polycystic Ovary Syndrome (PCOS), isang kondisyon na maaaring magdulot ng infertility.

Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ay isang kondisyon ng endocrine o hormone na nagdudulot ng iba’t ibang sintomas tulad ng ovarian cysts, abnormal na paglago ng buhok, at paminsan-minsan, pamamaga sa katawan.

Nangyayari ang PCOS sa mga babaeng nasa reproductive age ayon kay Dr. Raul Q. Quillamor noong siya ay nagbigay ng kasagutan sa mga katanungang idinulog sa Pinoy MD ng GMA Public Affairs.

Aniya maraming manifestations ito gaya ng mga sumusunod na sintomas ng PCOS: (1) wala o heavy menstrual bleeding; (2) pagkakaroon ng tigyawat; at (3) pagkakaroon ng abnormal pigmentations sa ibang bahagi ng katawan. Nangyayari ang mga ito dulot ng hormonal imbalance—pagkakaroon ng mataas na estrogen o mababang progesterone.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Ayon kay Amanda Stathos, isang clinical dietitian sa Johns Hopkins’ Sibley Memorial Hospital, maaaring mapabuti ang kalusugan ng mga babaeng may PCOS sa pamamagitan ng tamang pagkain at pamumuhay.

Problema ng Insulin Resistance. Ipinaliwanag ni Stathos na 50% hanggang 75% ng mga kababaihang may PCOS ay may insulin resistance. Ang insulin ay isang hormone na nagsisilbing “susi” para magpapasok ng glucose o asukal sa mga cells upang maging enerhiya.

Ngunit kapag hindi ito gumagana nang maayos, nagiging sanhi ito ng pag-iipon ng glucose sa dugo at fat cells na nagpapataas ng panganib ng diabetes. Kaya, ayon kay Stathos, ang unang hakbang para sa mga may PCOS ay ang pagkakaroon ng mas malusog na timbang, na nagsisimula sa tamang diyeta at ehersisyo.

Ang Tamang Diyeta para sa PCOS. Iminumungkahi ng mga dietitian, tulad ni Stathos, ang Mediterranean diet dahil sa balanseng sangkap nito na mula sa iba't ibang kategorya ng pagkain.

Ayon kay Stathos, ang diyeta na ito ay nakatutulong sa pagbabawas ng timbang at nakakapigil sa pamamaga, na isang karaniwang isyu sa mga may PCOS. Pinakamainam ding kumain ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 tulad ng salmon, gumamit ng olive oil kaysa butter, at kumain ng mga non-starchy na gulay gaya ng spinach, broccoli, at cauliflower.

Sa kabilang banda, mahalaga rin na umiwas sa mga pagkaing nagpapalala ng pamamaga. Ilan sa mga pagkaing dapat iwasan ay fried foods tulad ng French fries, saturated fats, processed snacks, at mga inuming may mataas na sugar content tulad ng soft drinks at sports drinks. Ang mga pagkaing may mataas na glycemic index, tulad ng puting tinapay at puting bigas, ay dapat limitahan upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng blood sugar.

Huwag Magpadala sa Fat Diets. Bagama’t ang pagbaba ng timbang ay mahalaga sa pagkontrol ng insulin resistance, hindi inirerekomenda ni Stathos ang mga fat diets na nag-aalis ng buong food groups gaya ng carbohydrates.

Sa halip, mas mainam na kumain ng mga low-glycemic carbs na hindi nagdudulot ng biglaang pagtaas ng blood sugar. Binanggit din niya na ang intermittent fasting ay hindi angkop para sa karamihan ng mga may PCOS dahil maaaring mauwi ito sa sobrang pagkain kapag pinapayagan nang kumain.

Pangwakas na Payo. Sa kabila ng mga hamon, mahalaga na magkaroon ng disiplina at magsimula sa mga maliliit na pagbabago sa pagkain at pamumuhay. Ang regular na ehersisyo, tamang diyeta, sapat na tulog, at pag-manage ng stress ay susi upang makontrol ang mga sintomas ng PCOS at maiwasan ang mga komplikasyon nito.

Ayon kay Stathos, "If you are diagnosed with polycystic ovary syndrome, it doesn’t mean that you are destined to have poor health, there is a lot you can do to take charge, minimize symptoms and keep yourself healthy.”

Mariah Ang