December 25, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Sorpresa ng Grade 7 students sa kanilang guro, nagpaantig ng damdamin

Sorpresa ng Grade 7 students sa kanilang guro, nagpaantig ng damdamin

Bumida sa TikTok ang nakaaaliw na sorpresa ng Grade 7 students mula sa Gen. Tomas Mascardo National High School ng Imus Cavite sa kanilang guro na si Sir Jerwin D. Josesa sa pagdiriwang ng World Teacher's Day.

Si Sir Jerwin, ay tinatawag sa kanilang paaralan bilang “Maestro Ejay.”

Sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day, nagkaroon ng makulay at masiglang mga aktibidad ang mga estudyante sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa. Mula sa mga simpleng pasasalamat hanggang sa malalaking programa, ang araw na ito ay naging pagkakataon para ipakita ang pagpapahalaga sa mga guro na nagsisilbing mga gabay at inspirasyon sa kanilang pag-aaral.

Sa nasabing paaralan, nag-organisa ang mga estudyante ng mga espesyal na programa kung saan dinisenyuhan ang kanilang classroom ng mga palamuting may kinalaman sa kanilang minamahal na guro, nagbigay rin sila ng mga munting regalo, mga bulaklak at cards ng pasasalamat sa kanilang mga "pangalawang magulang."

Human-Interest

'Nakabalot pa!' Grade 10 student, si 'Crush' natanggap na exchange gift

Mapapanood sa TikTok video na pagbukas pa lamang ng pintuan ay doon na lumantad ang sorpresa para kay Maestro Ejay. Nagsimula na rin ang pagbati ng mga estudyante habang may pagtugtog ng musika na mas nagpadagdag ng emosyon kaya naman naluha na ang kanilang guro. Yumakap na rin ang mga estudyante sa kaniya at naiiyak na rin sa tuwa na indikasyong successful ang kanilang surprise para sa mahal na guro.

Ang nasabing TikTok ay nilagyan ng caption ni Maestro Ejay na: “My heart is full, and I'm crying while editing this video. Watching it brought back so many amazing memories. Thank you, Grade 7 Camia, for the unforgettable surprise.”

Umani ito ng maraming positibong mga komento:

“Miss u sir dati kame nag susuprise sayo”

“I'm crying also,happy teachers day po”

“Jan mo talaga makikita kung gaano kabait Ang teacher happy teachers day po”

“you can see from the effort of his students that he is a kind and loving teacher HAPPY TEACHERS DAY”

“isa sa palatandaan na isa kang mabuting guro pag sa teachers day ganyan ka effort students mo”

“natouch ako. happy teachers”

“happy teachers day po sir deserve nio po yan bcz u have good heart for ur student sir god bless po”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sir Jerwin, sinabi niyang sa loob ng pitong taong pagtuturo, hindi niya inasahang sa kaniyang ikaapat na advisory class ay muling makakaranas siya ng isang emosyonal na sorpresa.

Bagama’t nasanay na siya sa mga sorpresa mula sa dati niyang mga estudyante, kakaiba ang hatid ng Grade 7 Camia.

“Kasi lagi kong sinasabi sa kanila na okay na sa akin ‘yong sumusunod sila at mabuting tao sila – yun ay higit pa sa mga regalo,” pagbabahagi ni Sir Jerwin.

Noong gabing bago ang sorpresa, inamin ni Sir Jerwin na halos mapaiyak siya nang mag-away ang kaniyang mga estudyante sa group chat.

“Na-frustrate ako kasi parang pakiramdam ko ay failure ako as an adviser and second parent nila,” aniya.

Subalit nang pagbuksan siya ng pinto ng kanyang mga estudyante, bumuhos ang emosyon.

"Sa unang pagkakataon, naramdaman ko na sweet sila, nung moment na sila ay yumakap, doon na bumagsak ang aking luha,” wika niya.

Nabura umano ang lahat ng kaniyang pangamba at pag-aalinlangan, habang muling binabalikan ang mga aral na patuloy niyang ibinibigay sa kanila araw-araw—mula sa kahalagahan ng classroom discipline hanggang sa paghahanda sa mga hamon ng hinaharap.

Bagama’t hindi perpekto, kitang-kita umano ng guro ang pagsusumikap ng kaniyang mga estudyante, hindi lamang sa akademiko kundi sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.

“Ako bilang pangalawa nilang Ama ay handang umaalalay sa likod nila... kahit dumating sa panahon na hindi sila kamahal-mahal, pipiliin ko pa rin sila araw-araw.”

Ang kuwentong ito ay patunay na sa kabila ng mga pagsubok sa loob ng silid-aralan, ang ugnayan ng guro at estudyante ay nagiging mas malalim, nag-iiwan ng marka hindi lamang sa akademikong buhay kundi sa kanilang mga puso.

Nag-iwan siya ng mensahe para sa kaniyang advisory class. Aniya, “To my Advisory Class, no words can fully describe my thanks and love for each and every one of you. Today, you brought so much joy to my heart, and I am grateful for your kindness, effort, and consideration. You may not be flawless, but in your flaws, I see the beauty of development, promise, and compassion. You made my day unforgettable in ways I can't explain. Mahal na mahal ko kayong lahat at patuloy na pipiliin sa araw-araw.”

Sa ngayon ang nasabing TikTok post ay mayroon nang 71.8K reactions, 847 comments, 2,542 saves at 786 shares.

Mariah Ang