Sa kaniyang pagtakbo bilang senador, inihayag ng veteran broadcaster na si Ben Tulfo ang kaniyang kaibahan sa kaniyang mga kapatid na sina Senador Raffy Tulfo at kapwa senatorial aspirant Erwin Tulfo.
Nitong Sabado, Oktubre 5, nang maghain si Ben ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa The Manila Hotel Tent City.
Sa pagharap sa media ay tinanong ang beteranong broadcaster kung ano ang kaniyang kaibahan sa kaniyang mga kapatid lalo na’t hindi umano imposibleng magkaroon ng tatlong Tulfo sa Senado.
“We are brothers. Isa lang ang dugong dumadaloy sa ugat namin: ang public service. I have a different discipline. I am an executive. I am a communicator, I listen. Nakikinig ako, pinakikinggan ko,” aniya.
Ayon pa kay Ben, tatakbo bilang independent candidate, marami raw silang naresolbang mga isyu sa pamamagitan umano ng mga “legislator” na lumapit sa kanila.
“Nakipagtulungan sa amin ang lower house… There are a lot of laws na gusto naming–kasi ito ‘yung challenge namin, biometro ‘yung aming action center,” ani Ben.
“Now I am introducing myself to you, this is another Tulfo,” saad pa nya.
Matatandaang kamakailan lamang ay inanunsyo rin ni Erwin ang kaniyang kandidatura sa pagkasenador sa ilalim ng senatorial slate ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.”
MAKI-BALITA: Erwin Tulfo, tatakbo raw na senador sa 2025 dahil kay PBBM
Taong 2022 naman nang manalo si Raffy bilang senador ng bansa.