Tuluyan nang humina at naging isang low pressure area (LPA) si “Julian” at nasa labas na rin ito ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 11:00 ng umaga nitong Biyernes, Oktubre 4.
Sa tala ng PAGASA, humina patungo sa pagiging LPA ang dating bagyong Julian na may international name na “Krathon.”
Huling namataan ang LPA sa layong 480 kilometro sa hilagang bahagi ng Itbayat, Batanes o sa vicinity ng Neihu District, Taiwan.
Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 45 kilometers per hour.
Dahil dito, wala nang nakataas na tropical cyclone wind signal sa alinmang bahagi ng bansa.
“The remnant circulation of JULIAN is forecast to merge with the frontal system over Taiwan area,” saad ng PAGASA.
“With this development and unless re-entry occurs, this is the final tropical cyclone bulletin,” dagdag nito.