Inaresto ang isang high school principal sa Quezon City matapos umanong molestyahin ang apat na menor de edad na estudyante.
Naganap umano ang insidente sa loob ng isang pampublikong paaralan, na nagdulot umano ng takot at pagkabahala sa mga magulang ng mga estudyante.
Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni PLt. Col. Macario Loteyro, Station Commander ng QCPD Station 15, na naganap ang insidente noong Sabado, Setyembre 28, at ang mga biktima ay pawang mga Grade 10 students, tatlo sa kanila ay 15 taong gulang habang ang isa naman ay 17 taong gulang.
“Pinatawag sila ng kanilang principal na may ipapagawa sa kanila. ‘Yung isa nga inutusan magluto, ‘yung iba naman naglilinis…ito ay mga personal na utos ng suspek. ‘Yung 17-taong gulang na biktima ang unang nakaranas ng kahalayan, na sinundan pa ng tatlong iba pa,” pahayag ni Loteyro.
Nakatakas ang isang biktima at agad na nag-report sa kaniyang mga magulang, na nagbigay-daan umano sa agarang pagkakaaresto ng 59 taong gulang na suspek sa kaniyang tahanan sa Cainta, Rizal.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nakakulong at nahaharap sa reklamong Lascivious Conduct sa ilalim ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Naabisuhan na rin umano ang Department of Education (DepEd) sa nangyaring insidente.
“Iimbestigahan namin ang nangyari at hinihintay na lang namin ang incident report galing sa Schools Division Office sa Quezon City.” ayon kay Dennis Legaspi, Media Relations Chief ng opisina ni DepEd Secretary Sonny Angara.
Samantala, nanawagan ang pulisya na kung sino pa ang nabiktima ng suspek ay makipag-ugnayan sa kanilang himpilan sa Station 15 QCPD.
Sa kabila ng pagkakahuli ng suspek, nananatiling nag-aalala umano ang mga magulang at guro hinggil sa kaligtasan ng mga estudyante sa kanilang mga paaralan.
Mariah Ang