Inanunsyo ni dating Senador Gringo Honasan ang kaniyang pagnanais na bumalik sa Senado sa pamamagitan ng kaniyang pagtakbo sa 2025 midterm elections.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Oktubre 4, sinabi ni Honasan na ihahain niya ang kaniyang certificate of candidacy (COC) sa darating na Lunes, Oktubre 7.
Kapag makabalik sa Senado, ipinangako ni Honasan na isusulong niya ang pagpapasa ng isang bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program law.
“The existing AFP modernization program will expire in 2027, and a new law will be needed to sustain projects that are meant to further build up our national defense capabilities,” ani Honasan.
“We must continue the military’s modernization efforts, especially given the rising tensions in the West Philippine Sea,” dagdag niya.
Tatakbo raw ang dating veteran senador at Philippine Army colonel sa ilalim ng Reform Party.
Matatandaang apat na beses na naihalal si Honasan bilang senador ng bansa.
Una siyang naging senador noong 1995 at naging pinakaunang independent candidate sa kasaysayan ng bansa na nanalo sa national elections. Na-re-elect siya noong 2001, at maging noong 2007 at noong 2013.