Nagbigay ng reaksiyon si PAMALAKAYA Vice Chairperson Ronnel Arambulo kaugnay sa panghahamak umano ni Senator Cynthia Villar sa mga mangingisda nang maghain siya ng certificate of candidacy (COC) bilang senador ngayong Biyernes, Oktubre 4, sa The Manila Hotel Tent City.
Sa kaniyang pahayag, iginiit ni Arambulo na isa raw malaking kalokohan na sabihing walang alam ang mga mangingisda sa mga isyung kinakaharap nila.
“Natatandaan namin hinamak pa kami na hindi namin alam ang isyu ng climate change at isyu ng mga mangingisda,” panimula ni Arambulo.
“Isa itong malaking kalokohan dahil kaming mga mangingisda ang tunay na nakakaalam nito dahil kami ang nasa grounds, kami ‘yong araw-araw na dumadanas ng isyu ng pangisdaan,” wika niya.
Dagdag pa ng lider-mangingisda, hindi raw naging epektibo si Villar sa pagtataguyod ng sektor ng agrikultura.
Aniya: “Hinahamon ko ang mga nasa pamahalaan, ang nasa committee on environment partikular si Senator Cynthia Villar dahil tingin namin ay hindi naging epektibo sa pagtataguyod sa sektor ng agrikultura.”
Matatandaang si Arambulo ay kabilang sa 11 senatorial aspirants na nasa ilalim ng Makabayan bloc.
MAKI-BALITA: 11 senatorial aspirants ng Makabayan, sabay-sabay naghain ng COC
MAKI-BALITA: ‘Mangingisda naman!’ Vice Chairperson ng PAMALAKAYA tatakbong senador