Kinuwestiyon ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang naging pag-abswelto ng Sandiganbayan kina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dating chief of staff nitong si Gigi Reyes at negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Oktubre 4, iginiit ni Castro na patuloy umanong kinakatigan ng justice system ng bansa ang mayayaman, habang kapag mahihirap naman daw ang nagkasala o napagbintangan ay dumidiretso agad sila sa kulungan.
"It is disheartening to witness how high-profile individuals escape accountability while the common Filipino faces harsh penalties for lesser offenses,” ani Castro.
"Kapag mahihirap na nagnakaw o napagbintangan pa lang kulong agad at pinagbabayad din agad pero kapag mayayaman hirit agad ng house o hospital detention tapos acquitted. Ngayon sino mananagot sa nawalang pondo ng bayan?” saad pa niya.
Samantala, binigyang-diin din ng teacher solon na isa umanong “major blow” sa kampanya ng pamahalaan laban sa korapsyon ang naturang pagpapawalang-sala kina Enrile.
"Ang ganitong ruling ang nagpapakita ng di magandang halimbawa sa mga kabataan na basta maimpluwensya at mapera ka ay makakalusot ka maski ‘di mo pinapaliwanag saan mo winaldas o kung kinurakot mo ang pera ng bayan," saad ni Castro.
Matatandaang nito lamang ding Biyernes nang ipawalang-sala ng Sandiganbayan Special Third Division sina Enrile, Reyes at Napoles sa ₱172-million plunder case dahil sa “failure of the prosecution to prove their guilt beyond reasonable doubt.”
Hindi umano napatunayang nakipagsabwatan si Enrile upang magkamal ng ₱172.83 milyong kickback mula sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) gamit daw ang “ghost non-governmental organizations (NGOs) na nilikha ni Napoles.
MAKI-BALITA: Enrile sa pag-abswelto sa kaniya sa plunder: ‘I knew all along that I will be acquitted’
Taong 2014 nang isinampa ang kasong plunder na nag-ugat sa mga alegasyong nagkamal umano ang grupo ni Enrile ng ₱172 milyon mula sa PDAF sa pagitan ng 2004 at 2010.