Ngayong Biyernes, Oktubre 4, ipinagdiriwang ang "World Smile Day." Pero, paano nga ba ito nagsimula?
Ipinanganak mula sa isang simpleng ideya, ang World Smile Day ay naging pandaigdigang selebrasyon ng kabutihan at ng sikat na smiley face na nilikha umano ni Harvey Ball noong 1963.
Ayon sa mga ulat, si Harvey Ball, isang commercial artist mula sa Worcester, Massachusetts, ang nagdisenyo ng smiley face, na agad naging simbolo ng kasiyahan at kabutihan sa buong mundo. Subalit, nag-alala si Harvey sa sobrang komersyalisasyon ng kaniyang likha, na nagbunsod sa kaniya upang lumikha ng isang espesyal na araw para sa mga ngiti at mabuting gawa.
Sa kaniyang pananaw, ang smiley face ay walang pinipiling politika, heograpiya, o relihiyon, kaya't dapat tayong magkaroon ng isang araw na hindi rin ito pinapansin.
Noong 1999, idineklara ni Harvey na ang unang Biyernes ng Oktubre ay magiging World Smile Day. Mula noon, patuloy ang pagdiriwang nito hindi lamang sa Worcester kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Matapos pumanaw ni Harvey noong 2001, itinatag ang Harvey Ball World Smile Foundation upang gunitain ang kanyang legacy at isulong ang mensahe ng pagmamahal at kabutihan sa pamamagitan ng World Smile Day.
Ang Foundation ang opisyal na sponsor ng selebrasyong ito bawat taon, na nag-aanyaya sa lahat na magsanay ng kabutihan at ipakalat ang mga ngiti hindi lamang sa isang araw kundi sa buong taon.
Kaya naman ngiti ka kaibigan, ‘cause your smile is the best asset you can always wear! Happy World Smile Day!
Mariah Ang