Para kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Biyernes, Oktubre 4, “walang karapatan” si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na muling tumakbo bilang alkalde sa 2025 midterm elections.
Sinabi ito ni Remulla sa panayam ng mga mamamahayag nitong Biyernes, Oktubre 4.
“I wouldn't say it's her right. She can try, but I wouldn’t say it’s her right,” giit ni Remulla.
“She’s not Filipino and she bears falsified documents,” dagdag niya.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na posible raw na tumutol ang DOJ kapag naghain si Guo ng kaniyang certificate of candidacy (COC) para sa susunod na halalan.
Ang naturang pahayag ni Remulla ay matapos ibahagi ng abogadong si Atty. Stephen David na maghahain si Guo ng kaniyang COC sa susunod na linggo para umano sa kaniyang pagnanais na tumakbong muli bilang alkalde ng Bamban.
MAKI-BALITA: Alice Guo, muling tatakbo para sa susunod na eleksyon – abogado
Sinimulan ng Comelec ang COC filing sa bansa noong Martes, Oktubre 1 at inaasahan itong matatapos sa darating na Martes, Oktubre 8, 2024.
KAUGNAY NA BALITA: Hontiveros, umaasang wala nang ‘another Alice Guo’ na tatakbo sa 2025