November 24, 2024

Home BALITA National

Alice Guo, muling tatakbo para sa susunod na eleksyon – abogado

Alice Guo, muling tatakbo para sa susunod na eleksyon – abogado

Maghahain na si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa susunod na linggo para sa kaniyang pagnanais na tumakbo sa 2025 midterm elections, ayon sa kaniyang abogadong si Atty. Stephen David.

Base sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ni David ang paghahain ng COC ni Guo ay para sa kaniyang reelection bid bilang alkalde ng Bamban sa susunod na halalan.

“Dapat kasi makita ng bayan kung mahal talaga siya ng Bamban. Kasi kung mahal siya, mananalo siya. Kung ayaw na sa kanya, hindi na siya mananalo,” ani David.

Tatakbo umano si Guo bilang independent candidate at kasalukuyan na raw inaayos ang mga dokumento para sa kaniyang pagsusumite ng COC sa pamamagitan ng kakatawan sa kaniya.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Kaugnay nito, nauna nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco na tatanggapin nila ang COC ni Guo sakaling magsumite ito, dahil wala pa naman daw desisyon ang korte hinggil sa mga kasong inihain laban sa dating alkalde.

"Kahit 'yung sa Comelec election offense niya na iniimbestigahan namin, wala pa rin pong final na desisyon," saad pa ni Laudiangco.

Gayunpaman, nilinaw ng komisyon na hindi naman daw awtomatikong kandidato na ang isang indibidwal kapag naghain ito ng COC.

Matatandaang noong buwan ng Agosto 2024 nang tanggaling ng Ombudsman si Guo mula sa pagiging alkalde ng Bamban matapos itong hatulang “guilty” ng grave misconduct.

MAKI-BALITA: Alice Guo, tinanggal na sa pagiging mayor ng Bamban, Tarlac

Kasalukuyang nakadetine ang pinatalsik na alkalde sa Pasig City Jail Female Dormitory kaugnay ng kinahaharap niyang kaso ng qualified trafficking.

MAKI-BALITA: Alice Guo, nailipat na sa Pasig City Jail

Idinadawit si Guo sa mga kasong tulad ng umano’y ilegal na mga aktibidad ng Zun Yuan Technology, isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ni-raid kamakailan sa Bamban.