Sa pamamagitan ng kaniyang asawang si Doc. Liza Ong, nakapaghain na ng certificate of candidacy (COC) si senatorial aspirant Doc. Willie Ong para sa 2025 midterm elections nitong Huwebes, Oktubre 3.
Ang naturang paghahain ng kandidatura ni Doc. Willie ay sa gitna ng kaniyang pagpapagamot sa sakit niyang sarcoma cancer.
Dumating si Doc. Liza, kasama ang legal counsel nitong si Gilbert Lauengco at si senatorial candidate Wilbert Lee sa The Manila Hotel Tent City nitong Huwebes ng umaga.
Sa kaniyang pahayag, pinasalamatan ni Doc. Liza ang mga nagdadasal daw para sa paggaling ng kaniyang asawa.
“Maraming salamat po sa lahat ng nagdasal for Doc. Willie Ong,” emosyunal na saad ni Doc. Liza.
Ayon naman kay Atty. Lauengco, tiwala raw si Doc. Willie na magagampanan niya nang maayos ang kaniyang trabaho bilang senador kapag nanalo siya sa susunod na halalan.
“He is very confident that he will be physically fit in the event that he wins, to perform the duties of a senator. One as a doctor and one as a firm believer of what he can do and of what God can do for everyone,” ani Lauengco.
Matatandaang kamakailan lamang nang ianunsyo ni Doc Willie Ong na tatakbo siya bilang senador sa 2025 midterm elections para umano sa mga Pilipino.
“Tatakbo tayo. Ipapakita natin na tunay ang Diyos. This time we're gonna win this," ani Doc. Willie sa isang pahayag kamakailan.
MAKI-BALITA: Doc Willie Ong, tatakbong senador sa 2025 elections: 'This time we're gonna win this'