Ipinahayag ng aktor na si Phillip Salvador na tatakbo siya bilang senador sa 2025 midterm elections dahil nalaman daw niya ang hinaing ng mga tao sa loob ng ilang taon niyang pag-iikot sa Pilipinas.
Sa kaniyang paghain ng certificate of candidacy (COC) nitong Huwebes, Oktubre 3, tinanong si Salvador kung ano ang kaniyang karanasan na maaaring maging batayan ng mga botante para iboto siya bilang senador, maliban sa pagiging artista.
“Simple lamang po, sa loob ng ilang taon na pag-ikot ko sa buong Pilipinas, nakikita at nakakausap ko naman po at nalalaman ko kung ano ang mga hinaing ng mga tao, at iyon po ang aking pinanghahawakan. Ako po ay bumababa, grassroots po ang pinupuntahan ko. Nalalaman ko po kung ano ang kanilang pangangailangan, kung ano ang kanilang hinaing,” ani Salvador.
“Hinihingi nila sa kanilang mga lugar na mabawasan na ang mga adik. Dumarami na naman po, nagkalat na naman kung saan-saan.”
“Kung ako po’y mabibigyan nila ng pagkakataon ay gagawin ko po ang lahat. Tatanggalin ko po ang pagod sa aking katawan para maiayon ko po kung ano ang mga hinaing lalo na ng mga magulang,” saad pa niya.
Sinabi rin ng senatorial aspirant na makikipagtulungan naman daw siya sa kaniyang mga abogado, kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paghain ng mga batas kaugnay ng kaniyang platapormang “peace and order” at pagsugpo sa iligal na droga.
Kasama ni Salvador sa paghain ng COC sa The Manila Hotel Tent City ang kaniyang mga kapartido na PDP Laban na sina reelectionists Senador Bato dela Rosa at Senador Bong Go.
Sinamahan din sina Salvador, Dela Rosa, at Go ni PDP president-Senador Robin Padilla sa paghahain ng kanilang kandidatura.
MAKI-BALITA: Phillip Salvador tatakbong senador sa 2025, inendorso ng PDP