Ipinahayag ni reelectionist Senador Ronald "Bato" Dela Rosa na may mga kumokontak daw sa kaniyang opisina na mula umano sa International Criminal Court (ICC) pero binabalewala raw nila ito.
Bagama't wala raw nag-reach out sa kaniya na ICC prosecutor pero may mga kumokontak daw sa kaniyang opisina na mula umano sa ICC.
"May mga kumokontak sa opisina pero ini-ignore pa namin dahil alam namin na wala silang jurisdiction sa atin. May nagco-contact sa opisina ko pero hindi namin kinausap, hindi namin pinatulan baka mamaya mga gago-gago lang 'yung mga taong 'yon na sumasakay sa issue," ani Dela Rosa sa interview nang maghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) nitong Huwebes, Oktubre 3 sa The Manila Hotel Tent City.
"Kunwari European daw sila na gustong mag-interview sa akin, sabay-sabay eh, no'ng pagsabi ni [Sonny] Trillanes no'ng issue na 'yan, mayroon nang tumatawag sa amin. Sabi ko, 'huwag ninyong intindihin 'yan baka mga siraulo lang 'yan na sumasakay sa issue," dagdag pa niya.
Matatandaang noong Agosto, isiniwalat ni dating Senador Sonny Trillanes na tinitingnan umano ng ICC bilang suspek si Dela Rosa, at apat na iba pang dati at kasalukuyang Philippine National Police (PNP) officers.
Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong 2016, kung kailan nagsimula ang war on drugs ni Duterte.
BASAHIN: Sen. Bato sa 'di pagpigil ng gov't sa ICC hinggil sa drug war: 'I feel betrayed!'
Samantala, sa parehong panayam, ibinibigay ni Dela Rosa ang desisyon sa taumbayan kung dapat pa ba siyang manatiling senador.
"Kung sila ay naniniwala na si Bato ay masamang tao, then by all means do not vote for me. Huwag ninyo akong iboto. Pero kung kayo ay naniniwala na si Bato ay matino na tao at sinusugal ang kaniyang buhay para labanan ang droga at kriminalidad para maisalba ang kinabukasan ng mga kabataan, then please help me," anang senador.