November 23, 2024

Home BALITA Eleksyon

Anak ni Manny Pacquiao, papasukin na rin ang pulitika?

Anak ni Manny Pacquiao, papasukin na rin ang pulitika?
Photo courtesy: Michael Pacquiao (FB) and Joey John Elman Concepcion (FB)

Nakaamba na ring pasukin ni Michael Pacquiao ang pulitika, anak ni Eight Division World Champion Manny Pacquiao, matapos ang umano’y kumpirmasyon na naisama na ang pangalan niya sa listahan ng counselor slate ng partido ng People’s Champ Movement (PCM).

Si Michael, 22-anyos, ang ikalawang anak ni Manny at tila una sa mga anak niya na magpapalawig ng kanilang impluwensya sa pulitika. Matatandaang nauna namang sundan ni Jimuel, panganay ni Manny, ang yapak ng ama sa karera ng boxing.

Kabilang si Michael sa slate ng partido PCM kung saan tatakbo umano ito sa pamumuno ni Mayor Lorelie Pacquiao, asawa ng nakababatang kapatid ni PacMan na si Alberto Pacquiao, na nag-aasam naman ng ikalawang termino sa 2025.

Ayon sa ulat ng local media sa Sarangani, sa darating na Oktubre 5, 2024 ang umano’y filing ng candidacy ng nasabing partido.

Eleksyon

George Garcia sa eleksyon sa Pilipinas: 'Walang natatalo, lahat nadadaya'

Matatandaang minsan na ring hinawakan ng mga magulang ni Michael ang Sarangani, matapos ang unang beses na pasukin ng Pambansang Kamao ang pulitika noong 2010 at umupo bilang Sarangani Representative hanggang 2016, habang si Jinkee naman ay naging Vice Governor mula 2013 hanggang 2016.

Samantala, kasabay ng umano’y pagtakbo ni Michael bilang konsehal sa GenSan, muli ring nag-aasam na makabalik si Manny sa Senado ngayong 2025 sa ilalim naman ng senatorial slate ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na noo’y kalaban niya sa pagka-presidente ng bansa noong 2022 National Election.

Kate Garcia