Nagkomento ang social media personality na si Rendon Labador sa isang ulat patungkol sa paghahain ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ni Deo Balbuena o mas kilala bilang "Diwata" bilang isa sa mga nominee ng Vendors Partylist para sa 2025 midterm elections, sa pangalawang araw ng filing ngayong Miyerkules, Oktubre 2, na ginaganap sa Manila Hotel Tent City.
Ayon kay Diwata, ang Vendors Partylist ay naglalayong bigyang-boses ang bawat maninindang Pilipino na kadalasan daw na hindi naririnig ang tinig lalo na sa pamahalaan.
Adbokasiya raw ng partido na tulungan ang mga maninindang Pilipino lalo na sa pamumuhunan.
"Ang advocacy talaga ng Vendors partylist para po sa lahat ng vendors, para tulungan 'yong mga vendors, 'yong mga nagtitinda, kasi 'di ba 'pag vendors tayo importante talaga 'yong puhunan. Hindi kasi makakapagtinda 'pag wala kang puhunan. Isa pa 'yan sa mga adbokasiya na dapat naming gawin 'pag binigyan kami ng pagkakataon para makaupo diyan sa puwesto."
Nagkomento naman si Rendon sa comment section ng ABS-CBN News tungkol dito.
"Baka akala ni Diwata mag luluto at mag titinda lang siya ng Pares, paki tanong nga kung alam niya yang pinapasok niya. Nag aalala ako para sa kanya," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"noong kelan lang okay lang kayong dalawa ah."
"di ba kumain ka sa paresan niya hahaha"
"Bakit hindi ikaw ang tumakbo lods?"
"takbo ka rin lods, represent mo mga gym rats ng Pinas"
"mas mura nga ang pares kaysa motivational rice no"
MAKI-BALITA: Diwata, isa sa nominees ng Vendors Partylist: 'Boses para sa maninindang Pilipino!'
Samantala, matatandaang nagkasama na sa isang vlog sina Rendon at Diwata, matapos dalawin ng una ang paresan ng huli.
MAKI-BALITA: Rendon Labador, ‘sinugod’ si Diwata