Nilinaw ng social media personality na nasa likod ng "Pinoy Pawnstars" na si Boss Toyo na hindi siya tatakbo sa alinmang posisyon sa gobyerno, kahit na marami raw ang nagsasabing pasukin na niya ang public service.
Sa kaniyang Facebook post sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy noong Lunes, Oktubre 1, sinabi niya ang mga dahilan kung bakit hindi siya tatakbo at sasabak sa politika.
Aniya, alam daw niya sa sarili niyang puro ang intensyon niyang mamuno at matalino naman siya, subalit naniniwala siyang hindi pa sapat ang mga ito.
"pero ang totoo bkit hindi ako tatakbo?? alam ko sa sarili ko na puro at tunay ang intensyon pero wla akong alam sa governance oo matalino ako at me utak pero hindi un sapat.mas gagalingan ko pa sa mga susunod na taon para maging qualified ako sa mga tao," paliwanag ni Boss Toyo sa kaniyang Facebook post, Oktubre 1, na inakala pa ng mga netizen na naghain siya ng COC dahil sa kaniyang hawak na dokumento sa larawang kalakip nito.
Naniniwala rin umano si Boss Toyo na hindi porket sikat ay kailangan nang tumakbo.
"at isa pa totoo un hindi porket sikat ka eh tatakbo na. para sa akin hindi circus o laro o comedy bar ang pamumuno. kaya sa ngaun mas gagalingan ko pa para kung sakali sa susunod na mga panahon eh bka maisipan ko na din tumakbo," aniya.
Bukod dito, nauna na niyang ipinaliwanag sa kaniyang Facebook post noon namang Setyembre 30 ang dahilan kung bakit hindi siya tatakbo sa alinmang posisyon sa gobyerno, kahit na marami daw ang humihimok sa kaniya.
MAKI-BALITA: Boss Toyo 'nag-file' na rin: 'Wala na 'ko magagawa, ito sinisigaw ng taong-bayan!'