December 23, 2024

Home FEATURES Tourism

LIST: October festivals na inaabangan na ng nakararami!

LIST: October festivals na inaabangan na ng nakararami!
Photo Courtesy: Joshua (pexels), Philippine Information Agency (Website), LGU Catarman, Camiguin (FB), Catanduanes Tourism Promotion (FB)

Ngayong Oktubre, tila abala na naman ang mga Pilipino mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa para sa pagdiriwang ng kani-kanilang tradisyunal na piyesta--mula sa makukulay na parada, banderitas, hanggang sa masasarap na pagkain.

Kaya naman, narito ang listahan ng ilang mga pagdiriwang ngayong buwan ng Oktubre:

Masskara Festival  (Oktubre 15-22, 2024 – Bacolod City)

Ang Maskara Festival ay nagsimula noong 1980 bilang tugon ng Bacolod City sa mga kinaharap nilang pagsubok tulad umano ng pagbagsak ng industriya ng asukal at trahedya ng lumubog na barko. Ngayon, ito ay selebrasyon ng tapang at kasiyahan ng mga taga-Bacolod, na nakikita sa kanilang makukulay na maskara at sigla ng mga sumasayaw sa parada. Kapag bumisita ka, tiyak na madarama mo ang kanilang masiglang enerhiya at saya!

Tourism

ALAMIN: Mga puwedeng pasyalan sa Metro Manila sa Pasko at Bagong Taon

Hermosa Festival (Oktubre 1-12, 2024 – Zamboanga City)

Ang Hermosa Festival, kilala rin bilang Fiesta Pilar, ay nagbibigay pugay kay Nuestra Señora La Virgen del Pilar, ang patrona ng Zamboanga City. Nagsimula ito noong panahon ng mga Espanyol sa pagtatayo ng Fort Pilar bilang depensa laban umano sa mga pirata. Taon-taon, libu-libong deboto ang nagtitipon upang mag-alay ng pasasalamat at dasal. Bukod sa mga relihiyosong aktibidad, tampok din dito ang mga cultural shows, regatta, at street dancing na nagpapakita ng mayamang kultura ng lungsod.

Lanzones Festival (Oktubre 20-27, 2024 – Camiguin)

Sa isla ng Camiguin, ipinagdiriwang ang Lanzones Festival bilang pasasalamat sa masaganang ani ng lanzones, isang matamis na prutas na kabuhayan ng maraming residente. Nagsimula ito noong dekada ‘80 upang ipakita ang pagmamalaki ng isla sa kanilang produkto. Sa kasagsagan ng pista, puno ng makukulay na dekorasyon ang mga kalye, may mga parada at sayawan, na nagiging simbolo ng masaya at simpleng pamumuhay ng mga taga-Camiguin.

Catandungan Festival (Oktubre 23-27, 2024 – Catanduanes)

Kung ang mga bagyo ay tila bahagi na ng buhay sa isla ng Catanduanes, ang kanilang katatagan naman ang ipinagdiriwang sa Catandungan Festival. Nagsimula ito bilang pag-alala sa pagkakatatag ng lalawigan noong 1945, at ngayon ay isang selebrasyon ng yaman ng kanilang kultura at kasaysayan. Tampok dito ang street dancing, cultural shows, at mga paligsahan sa musika at sining. Sa bawat galaw at tugtog, mararamdaman ang pagmamalaki ng mga taga-Catanduanes sa kanilang pamana.

Ang bawat piyesta sa Pilipinas ay hindi lamang tungkol sa kasiyahan—ito rin ay puno ng kasaysayan at pagmamalaki sa bawat rehiyon. Sa pagdalo sa mga piyesta, hindi mo lang makikita ang mga magagarbong parada at makukulay na costume, kundi masisilayan mo rin ang kwento ng bawat bayan—mga kwentong pinagtagpi-tagpi ng tradisyon, kultura, at pananampalataya.

Mariah Ang