January 22, 2025

Home FEATURES Tourism

ALAMIN: Mga libreng museum sa Metro Manila!

ALAMIN: Mga libreng museum sa Metro Manila!
Photo courtesy: National Museum of the Philippines (FB), Manila Clock Tower Museum (FB), Museo El Deposito (FB), Ronac Art Center (FB), Presidential Car Museum (FB)

Ngayong “Museum and Gallery Month,” oras na para bisitahin ang ilang libreng art galleries and museums sa Metro Manila. 

Tuwing buwan ng Oktubre, ginugunita ang “Museum and Gallery Month” alinsunod sa pinirmahang Proclamation No. 798 s. 1991 ni noo’y Pangulong Corazon Aquino. Naglalayon umano ito na mabigyang pansin ang kultura at iba pang ebidensyang may kaugnayan sa kasaysayan ng bansa. 

Kaya naman kung pagod ka na sa kakahanap ng ideal museum para sa inyong date at lakad ng barkada, narito ang ilang sikat at libreng galleries and museums na maaari ninyong idagdag sa bucket list.

National Museum 

Tourism

'No. 1 most traveled Filipino citizen globally' sinalubong sa Mactan airport

Mainam na simulan mo ang museum hopping sa National Museum of the Philippines na nagtatampok ng iba’t ibang kultura at kasaysayan ng bansa. Hati sa tatlong mahahalagang gusali ang National Museum mula sa National Museum of Fine Arts na hatid ang obra ng ilang National Artists ng bansa. National Museum of Anthropology na nagpapakita naman ng mga memorabilia, artifacts at archeological collections na mula pa sa sinaunang Pilipino, at ang National Museum of Natural History na itinatampok ang biological at geological diversity ng bansa. 

Matatagpuan ito sa Padre Burgos Avenue sa Ermita, Manila at bukas sa publiko mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon tuwing Martes hanggang Linggo.

Manila Clock Tower Museum, Manila City Hall

Mula sa National Museum ilang lakad lamang ay pwede mo na rin isama ang Manila Clock Tower Museum na nasa loob mismo ng makasaysayang Manila City Hall. Itinatampok ng pitong palapag na museong ito ang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan noong World War II na nasaksihan ng pusod ng Maynila. Isa sa kaakit-akit na atraksyon dito ang pinakatuktok ng clock tower kung saan maaaring matanaw ang 360° view ng Maynila. 

Maaaring makipag-ugnayan sa official Facebook page ng Manila Clock Tower Museum upang makapagpa-schedule ng pagbisita rito. Ito ay bukas mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon tuwing Martes hanggang Biyernes. 

Museo El Deposito

Kung makapigil hiningang museum naman ang hanap mo, maaari mo ring isama sa listahan ang Museo El Deposito kung saan maaari mong mapasok ang kauna-unahang water reservoir sa Kamaynilaan noong 1882. Ang El Deposito ay isang underground reservoir na noo’y naging pangunahing pinagkukunan ng malinis na tubig sa buong Maynila. 

Hati sa tatlong bahagi ang Museo El Deposito mula sa pagtatampok nito ng mga narecover na artifacts noon, ang mga scale models ng deposito at at interactive modules.

Bukas ito mula Martes hanggang Linggo, 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon na matatagpuan sa Pinaglabanan Shrine lungsod ng San Juan City.

Ronac Art Center 

Kung ang hanap mo naman ay pang Instagram worthy, maaari mong puntahan ang Ronac Art Center sa Ortigas Avenue, Quezon City. 

Kilala ang museong ito na ibinibida ang contemporary arts ng bansa. Mayroon itong apat na palapag na art galleries kung saan pinagtatagpo nito ang obra ng local artists sa bansa, ang makabagong kultura at iba’t iba pang arts and fashion designs. Bukas ito araw-araw, mula 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. 

Presidential Car Museum

Sa Quezon City rin matatagpuan ang ilang mga sasakyang naging parte mahahalagang pangyayari sa pagbuo ng pamahalaan na mayroon tayo ngayon, ang Presidential Car Museum. Bida rito ang mga sasakyang minsan ng hinatid ang mga nagdaang pinuno ng bansa gaya ng mga nagdaang Presidente at ilang indibidwal na may malaking papel kasaysayan gaya ni Hen. Douglas MacArthur. 

Matatagpuan ito sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City na bukas tuwing Martes hanggang Linggo mula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.Ano pang hinihintay mo? Tawagan na ang jowa, ang barkada o ‘di naman kaya ay kahit ikaw lang mag-isa, for the “me time ‘yan?” Ito na ang sign mo na puntahan ang mga museum na matagal ng nasa bucket list mo. 

Kate Garcia