Nagbigay-pahayag si Bayan Muna Party-list first nominee Neri Colmenares tungkol sa impeachment complaint laban umano kay Vice President Sara Duterte.
Ngayong Martes, Oktubre 1, naghain ng certificate of nomination and acceptance (CONA) ang Bayan Muna Party-list sa pangunguna ni Colmenares.
Ayon kay Colmenares, ilan sa muling isusulong umano ng Makabayan sa Kongreso ang pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pagsulong ng nakabububay na sahod ng mga manggagawa sa bansa na ₱1,200 kada araw, at ang paglaban sa korapsyon sa bansa.
Bukod dito, itinanong kay Colmenares kung kailan nila umano ihahain ang impeachment complaint laban kay Duterte.
"Unang-una kami sa Bayan Muna, we will support any impeachment complaint pero prayoridad para sa amin na mas importante na mag-file ng complaint ay ang mamamayan, 'yung mga people's organizations," saad ni Colmenares.
"Ang aming mga kongresista sa Makabayan will of course endorse it... ang kongresista kasi nag-e-endorse 'yan ng complaint, but the complaint better na mamamayan, ordinaryong mamamayan, mga people's organizations [ang maghain] kasi ang perang nawaldas pera nila mainly 'yan e, taxes nila 'yan mismo... Kumbaga, may pagkakaisa ang mamamayang gustong i-impeach si Sara Duterte at ang mga kongresistang mag-e-endorse ng impeachment ni Sara Duterte," dagdag pa niya.
---
Matatandaang kamakailan lamang ay iginiit ni ACT Teachers party-list France Castro na “impeachable offense” umano ang maling paggamit ng pera ng bayan matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng notice of disallowance ng P73 million sa P125-million na confidential fund ng opisina ni Duterte noong 2022.
Inihayag naman ni House Deputy Speaker at Quezon 2nd district Rep. David "Jay-jay" Suarez na "marami" umano sa kaniyang mga kasamahang kongresista ang gustong hilingin kay Duterte na "bumaba" sa puwesto kaugnay ng kaniyang mga aksyon sa nagpapatuloy na budget plenary debates.
BASAHIN: 'Maraming' kongresista, nais nang pababain si VP Sara sa puwesto -- Rep. Suarez
Nanindigan si Duterte na hindi siya magre-resign.
BASAHIN: Para sa 32 milyon na bumoto sa kaniya: VP Sara, nanindigang hindi siya magre-resign