Opisyal nang sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang unang araw ng filing ng certificate of candidacy o COC sa Manila Hotel nitong Martes, Oktubre 1.
Ayon kay Comelec chair George Garcia, bagama’t matumal, naging matagumpay naman daw ang unang araw ng COC filing at wala raw nangyaring kahit anong “untoward incident”
“Maayos ang nagiging filing ng certificate of candidacy, medyo matumal dahil unang araw. Nagbabantayan ang mga magkakalaban at the same time 'yung iba naman siguro ay ipinagpapabukas na lamang o sa kalagitnaan ng filing ng candidacy," pahayag ni Garcia.
Samantala, narito naman ang listahan ng mga celebrity na nag-file ng kanilang kandidatura para sa darating na midterm elections.
1. Arjo Atayde
Kasama ang inang si Sylvia Sanchez, nag-file ng COC ang reelectionist na si Arjo Atayde bilang kinatawan ng unang distrito ng Quezon City sa Amoranto Sports Complex.
2. Alfred Vargas
Tatakbo muli bilang konsehal ng ikalimang distrito ng Quezon City ang actor-politician na si Alfred Vargas. Kasama ang misis niyang si Yasmine Espiritu, nag-file si Vargas sa Amoranto Sports Complex.
3. Ion Perez
Opisyal na ang kandidatura ng jowa ni “It’s Showtime” host Vice Ganda na si Ion Perez bilang konsehal ng Concepcion, Tarlac.
Sa ulat ng Tarlac Forum nitong Martes, Oktubre 1, nag-file na umano si Perez ng certificate of candidacy (COC) para tumakbo sa nasabing posisyon sa darating na 2025 midterm elections.
MAKI-BALITA: Ion Perez, tatakbong konsehal sa Tarlac
4. Marco Gumabao
Opisyal nang papasukin ng aktor na si Marco Gumabao ang mundo ng politika. Nag-file na kasi siya sa provincial office ng Comelec sa Pili, Camarines Sur bilang kinatawan ng ikaapat na distrito ng nasabing probinsya.
Matatandaang Hunyo pa lang ay lumutang na sa “Showbiz Updates” ni Ogie Diaz ang tsikang tatakbo umanong kongresista si Gumabao sa CamSur.
MAKI-BALITA: Marco Gumabao, kakandidatong congressman sa CamSur?
5. Enzo Pineda
Kasama ang jowang si Michelle Vito, nag-file ng COC ang aktor na si Enzo Pineda konsehal ng ikalimang distrito ng Quezon City.
Matatandaang anak si Enzo ng dating kinatawan ng 1-Pacman partylist na si Enrico Pineda na minsan na rin naging bahagi ng kongreso.
6. Alex Castro
Tatakbong muli bilang bise-gobernador ng Bulacan ang actor-model na si Alex Castro kasama ang kasalukuyang gobernador ng nasabing lalawigan na si Daniel Fernando.
Sa Facebook post ni Alex nitong Martes, Oktubre 1, sinabi niya na tuloy daw ang serbisyo nila para sa mga Bulakenyo.
“Tuloy lang ang serbisyo sa ating mga Bulakenyo. Mabuhay ang dakilang Lalawigan ng Bulacan,” aniya.
7. Jaycee Parker
Kasama ang asawang si Jericho Aguas, nag-file ng COC si ex-Viva Hot Babe Jaycee Parker para sa huling termino niya bilang konsehal ng Angeles City.
Sa Facebook post ni Jericho nitong Martes, Oktubre 1, makikita pa ang larawan niya kasama ang misis at dalawang anak.
“Ready for filing of Candidacy,” saad niya sa caption ng post.