Binigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng awtorisasyon ang mga regional offices sa Northern Luzon, na apektado ng bagyong Julian, upang palawigin ang deadline ng voter registration sa kanilang lugar.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, dapat sana ay magtatapos na ang panahon ng rehistruhan para sa 2025 National and Local Elections (NLE) nitong Lunes, Setyembre 30.
Gayunman, nagpasya aniya silang i-extend ang deadline nito sa ilang lugar, partikular na sa Northern Luzon dahil sa pananalasa ng bagyo.
“Ngayong araw (Lunes) ang katapusan ang registration of voters. Bagama’t sinabi namin na ‘di kami mag-e-extend ng registration, kasalukuyang binabagyo ang mga kababayan natin sa Northern Luzon,” ayon kay Garcia, sa isang pulong balitaan. “Kaya binigyan namin ng authority ang aming regional offices doon.”
Sinabi pa ni Garcia na nasa diskresyon na ng mga regional offices kung hindi ipagpapatuloy ang rehistruhan ngayong araw, at sa halip ay i-reset ito sa ibang araw.
Maaari aniyang isagawa ito bukas, Martes, Oktubre 1, ngunit masasabay naman ito sa unang araw ng paghahain ng kandidatura ng mga kandidato para sa midterm polls.
Una nang sinabi ng Comelec na hindi na nila palalawigin pa ang voter registration.
Samantala, ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 NLE ay nakatakda nang magsimula ngayong Martes, Oktubre 1, at magtatapos sa Oktubre 8.