Nagpahayag ng pagbati si dating Senador Bam Aquino para kay human rights lawyer Atty. Chel Diokno na kakandidato para sa Kongreso bilang unang nominee ng Akbayan Party-list.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Aquino ang mga naging karanasan nila ni Diokno bilang kandidato sa susunod na halalan, tulad na lamang daw ng kanilang pagsasalita sa harap ng mga kabataan.
“Sa ilang buwang pag-iikot ko kasama si Atty. Chel, marami na po kaming napagdaanan: mula sa pagsasalita sa harap ng libu-libong kabataan, pagsayaw sa TikTok viral dance o karaoke, at pag-kape kapag maaga ang call time,” kuwento ni Aquino.
“Pero lahat ng usapan nauuwi sa pinakamahalagang bagay: Nagbabago man ang anyo ng kampanya natin, hindi magbabago ang ating misyon: kailangan ng mga Pilipino ng mga kakampi na tututok sa mga totoong problema natin ngayon,” dagdag niya.
Kaya naman, sinabi ng dating senador na mas sisipagan nila para muling mahalal sa Senado at para mailuklok si Diokno sa Kongreso.
“Patuloy na bibitbitin ni Atty. Chel at ng Akbayan ang mga bagay na mahalaga sa mga Pilipino.
“Kaya buong buo pa rin ang loob natin at mas sisipagan natin para makabalik tayo sa Senado at mailuklok natin si Chel Diokno sa Kongreso!” saad ni Aquino.
Matatandaang unang inanunsyo ni Diokno ang kaniyang pagtakbo bilang senador sa 2025 midterm elections kasama si Aquino at dating Senador Kiko Pangilinan, kung saan tinawag ang kanilang grupo na “CheKiBam.”
MAKI-BALITA: 'CheKiBam': Chel, Kiko, Bam, idineklara pagtakbo bilang senador sa 2025
Samantala, noong Sabado, Setyembre 28, nang ipinahayag ni Diokno na sa halip na pagkasenador ay kakandidato siya bilang first nominee ng Akbayan Party sa 2025 elections upang isulong ang kapakanan ng mga Pilipino sa Kongreso.
MAKI-BALITA: ‘Para sa mga Pinoy!’ Chel Diokno, first nominee ng Akbayan sa 2025 elections