Pinabulaanan ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga alegasyon tungkol sa umano'y sachet ng "white substance" na iniabot kay Pangulong Bongbong Marcos ng isang sibilyan.
Ayon sa fact-checking team ng PCO na "Maging Mapanuri," ang natanggap daw ni PBBM ay isang lapel pin ng emblem ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
Kumakalat kasi ngayon sa social media at pinag-uusapan ng netizens ang low-quality video, na kuha sa official high-resolution feed ng Radio Television Malacañang (RTVM), kung saan makikita na may inabot ang isang silbilyan kay PBBM habang nasa isang pagtitipon.
Sabi ng ilang netizens na harap-harapan sa publiko ang ginagawang "abutan."
Sa isang Facebook reel na inupload ng "Maging Mapanuri" nitong Sabado, Setyembre 28, sinabi nila na "out of context" ang kumakalat na video.
"Ginagamit ng ilang indibidwal ang ganitong content upang maglaganap ng maling naratibo. Kapag ang isang video o larawan ay ibinahagi sa hindi tamang konteksto, nagiging madali para sa ilan na mapaniwala ang publiko sa maling impormasyon," anang PCO.
"Kahit malinaw ang footage, kapag tinanggal ang tamang konteksto, madali itong magagamit upang lumikha ng mga maling kwento. Isang simpleng pagkilos na binibigyan ng ibang interpretasyon dahil sa kakulangan ng buong kwento," dagdag pa nito.
Inabisuhan din ng PCO ang publiko na iwasan ang magkalat ng maling impormasyon dahil madali umano nitong malilinlang ang publiko. Bukod dito, sinabi rin nila na maging mapanuri umano sa mga impormasyon.
Ipinaliwanag din ng ahensya ang tungkol sa video. Anila, makikita raw na naghihintay ang sibilyan ng pagkakataon para makipag-selfie sa pangulo, at nang lapitan ito ni Marcos, doon nito iniabot ang lapel pin.
"Ang pag-blur ng katotohanan, pagputol ng mga clips, o pagbibigay ng impormasyon nang wala sa tamang konteksto ay nagiging mabisang paraan upang malinlang ang publiko. Huminto, mag-isip, at magsaliksik. Tandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko. Tiyakin ang katotohanan, fake news ay labanan!"