December 23, 2024

Home BALITA Eleksyon

Sen. Imee Marcos, piniling tumindig mag-isa sa 2025 elections

Sen. Imee Marcos, piniling tumindig mag-isa sa 2025 elections
Senator Imee R. Marcos/FB

Kahit inendorso siya ng kapatid niyang si Pangulong Bongbong Marcos bilang senatorial candidate ng administrasyon sa 2025 elections, sinabi ni Senador Imee Marcos na titindig siyang mag-isa sa darating na halalalan.

Sa isang video na ipinost sa kaniyang social media account nitong Sabado, Setyembre 28, unang nagpasalamat ang senadora sa kaniyang kapatid. Aniya, sa kabila umano ng "galit at labis na kalupitan ng ilan," siya raw ay ipinagtanggol ng kaniyang kapatid. 

Nagpasalamat din si Marcos sa Nacionalista Party at sa mga kaalyado niyang patuloy na tumatangkilik at nagtitiwala sa kaniya. 

Ibinahagi naman ng senador na sa 35 taon mula nang pumanaw ang kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., buhay na buhay pa rin daw ang mga aral nito sa kaniyang puso.

Eleksyon

Pagpapaliban ni PBBM na lagdaan ang 2025 nat'l budget, nirerespeto ng ilang mambabatas

"35 na taon ng nakalipas ngayong araw mula nung pumanaw ang ama ko, ngunit buhay na buhay ang mga aral nya sa aking puso. Kaya't bilang panganay niya, pinipili kong manindigan nang malaya't matatag, tulad niya; na wala na dapat kampihan kundi ang Sambayanang Pilipino," saad ni Sen. Imee. 

Sa kabila ng pagtindig mag-isa sa darating na eleksyon, sinabi ni Marcos na hindi raw madaling tumayong mag-isa sa kampanya at politika. 

"Hindi madaling tumayong magisa, sa kampanya at sa pulitika… Ngunit yan ang pamana ng matanda sa akin, 'yan ang pamana ni Apo Lakay na ginugunita natin ngayon… Minabuti kong tumindig mag-isa upang huwag nang malagay sa alanganin ang aking ading, para wag nang mag-alinlangan ang aking mga tunay na kaibigan," saad ng senadora.

Dagdag pa niya, "Pinipipili ko na lamang manatiling malaya at tapat—hindi sa isang grupo, kundi sa bawat Pilipino. Bitbit ang aking mga nagawa para sa bayan nitong nakaraang termino, mga batas na aking alay sa taumbayan, at ang katotohanang hindi ako lumihis sa landas at prinsipyo ng aking Ama—Maglingkod sa Bawat Pilipino nang walang pinapanigan, maliban sa kapakanan ng Bawat Mamamayan."

"Sana ay patuloy ninyo akong unawain at mahalin."

Matatandaang noong Huwebes, Setyembre 26, opisyal at pormal nang inanunsyo ni PBBM ang line-up ng senatorial candidates na ineendorso ng administrasyon para sa midterm elections 2025.

BASAHIN: PBBM, ipinakilala mga kaalyansang senatorial candidates para sa 'Bagong Pilipinas'