Good news! Ito’y dahil dinoble na ng Department of Education (DepEd) ang vacation service credits (VSCs) ng mga guro ng mula 15 araw hanggang 30-araw.
Ang naturang hakbang ay nakasaad sa bagong guidelines, sa ilalim ng DepEd Order No. 13, s. 2024, na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, bilang suporta sa mga public school teachers.
Anang DepEd, “These updated guidelines streamline the administration of VSCs, which allow teachers to offset absences due to illness or personal reasons, or to recover salary deductions during vacation periods.”
Sa ilalim ng naturang revised order, ang mga kasalukuyang guro na may isang taon na sa serbisyo, gayundin ang mga newly hired teachers na na-appoint sa loob ng apat na buwan matapos ang pagsisimula ng klase, ay entitled na sa 30-araw na VSCs taun-taon.
Bilang karagdagan, ang mga newly hired teachers na ang appointments ay inilabas apat na buwan matapos magsimula ang klase, ay tatanggap ng 45-araw na VSCs kada taon.
Anang DepEd, isa sa mga pagbabago ay ang probisyon sa pag-calculate ng service credits paglampas ng regular work hours.
Paliwanag nito, para sa bawat araw ng eligible service na naipagkaloob ng mga guro sa panahon ng araw ng pasok, sila ay magkakaroon na ng 1.25 oras ng VSC.
Kung sila naman ay nagserbisyo sa Pasko o summer breaks, weekends, o holidays, ito naman ay katumbas ng 1.5 oras ng VSC kada oras.
Ang mga guro naman na itinalaga upang gumawa ng mga ancillary tasks o karagdagang teaching-related duties sa labas ng kanilang regular hours ay makikinabang rin sa bagong guidelines.
Kabilang sa mga tungkuling ito ang pagdalo sa training sessions sa weekends o holidays, pagsasagawa ng remedial o enhancement classes, election-related duties, parent-teacher conferences, at home visits.
“In cases where teaching overload is not compensated through overload pay, teachers will be credited with 1.25 hours of VSC for every hour of additional teaching, on top of their 30-day entitlement,” ayon pa sa DepEd.
Nilinaw naman ng DepEd na ang approval ng VSCs ay kinakailangan ng awtorisasyon mula sa Schools Division Superintendent o iba pang designated authority.
Anang DepEd, ang bagong guidelines ay nagpapakita sa kanilang commitment na matugunan ang evolving demand ng mga guro at pagtiyak na sila ay nabibigyan ng maayos na kumpensasyon para sa karagdagang trabahong ipinagkakaloob sa kanila, partikular na sa summer o long vacations.
Layunin din umano ng naturang hakbang na bantayan ang net take-home pay ng mga guro, sa pamamagitan nang pagkilala sa kanilang partisipasyon sa DepEd-led activities sa national, regional, at division levels, katuwang ang kanilang partners at stakeholders.