November 25, 2024

Home BALITA National

PNP official, sinabing sina Garma, Leonardo nag-utos sa pagpatay kay PCSO board Sec. Barayuga noong 2020

PNP official, sinabing sina Garma, Leonardo nag-utos sa pagpatay kay PCSO board Sec. Barayuga noong 2020
MULA SA KALIWA: Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza at Royina Garma (Speaker’s office)

"Pumatay kami ng inosente." 

Ito ang inamin ng naging emosyonal na si Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza nitong Biyernes, Setyembre 27, nang pangalanan niya si dating Philippine Charity Sweepstakes Officer (PCSO) general manager Royina Garma bilang mastermind umano sa pagpatay sa kapwa lotto official na si Wesley Barayuga noong 2020. 

Si Barayuga, ang "inosenteng tao" na tinutukoy ni Mendoza, ay isang board secretary ng PCSO at retiradong heneral ng pulisya. 

Sa sinumpaang salaysay na binasa niya sa pagdinig ng House quad-committee (quad-comm), idinawit din ni Mendoza–isang aktibong miyembro ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG)--si Police Col. Edilberto Leonardo sa pagpatay kay Barayuga. 

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Habang tinutukoy sina Garma at Leonardo na parehong naroroon sa pagdinig, sinabi ni Mendoza: "Hindi ko maiwasang umiyak kasi tinuring ko silang mga upperclass tapos ang taas ng tingin ko sa kanila, eh binigyan ako ng trabaho na masakit sa dibdib eh...binigyan ako ng trabaho na ikakasira ng buhay ko." 

Sinabi ni Mendoza sa quad-comm na napilitan siyang kunin ang trabaho dahil sa takot sa kaniyang buhay at ng kaniyang mga mahal sa buhay. Ito ay dahil, aniya, sina Garma at Leonardo umano ay may “tainga” kay dating pangulong Rodrigo Duterte. 

Idinetalye ng affidavit ni Mendoza ang magkakasunod na pangyayari na umano'y humantong sa pagpaslang kay Barayuga noong Hulyo 30, 2020 sa Mandaluyong City. 

Nagsimula aniya ang plot noong Oktubre 2019, nang makipag-ugnayan sa kaniya si Leonardo tungkol sa isang "special project" o operasyon na kinasasangkutan ng "high-value target" na si Barayuga, na sangkot umano sa ilegal na droga. 

Nang tanungin ni Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel ang tungkol sa salitang "operasyon" na binanggit ni Leonardo, sagot ni Mendoza, "at that time it was the war on drugs, so it was a liquidation.”

Sinabi ng opisyal ng DEG na sinabihan siya ni Leonardo na nanggaling mismo ang utos kay Garma, noo’y PCSO general manager at dating police colonel. Sinabi niya na nagbigay si Garma ng personal na kaalaman tungkol sa mga ilegal na aktibidad ni Barayuga, kaya naging mahirap para sa kaniya na tanggihan ang utos. 

Sinabi ni Mendoza na naantala ng lockdowns sa Covid-19 pandemic ang operasyon laban kay Barayuga, ngunit tinawagan daw siya muli ni Leonardo noong Hunyo 2020 upang apurahin ang misyon. 

Pagkatapos nito, nakipag-ugnayan umano si Mendoza sa isang matandang impormante na si Nelson Mariano, na nakapag-recruit ng isang gunman, na kinilala lamang sa pangalang "Loloy.” Sinamahan ni Mariano si Mendoza sa pagdinig. 

Nagbigay umano ng service vehicle si Garma 

Sa bahagi ng affidavit ni Mendoza, iginiit niyang si Garma umano ang direktang nagpadala ng litrato ni Barayuga sa PCSO meeting para tulungan ang hitman sa pagtukoy sa target.

“Sinabi niya na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali. Ipinasa ko ang lahat ng impormasyong ito kay Nelson Mariano,” anang DEG official. 

Sinabi niyang si Garma mismo ang nagbigay kay Barayuga ng kaniyang service vehicle–isang puting pick-up truck–noong araw na iyon. "Binigay sa akin ang deskripsyon at plate number ng sasakyan.”

Karaniwan umanong gumagamit noon si Barayuga ng pampublikong transportasyon.

Matapos ang matagumpay na operasyon, sinabi ni Mendoza na sinabi sa kaniya ni Leonardo na nagbigay si Garma ng P300,000 bilang "bayad sa trabaho". Sinabi niya na ibinigay ang pera ng isang "Toks" kay Mariano, na nagsilbing kaniyang middleman.

“At nang magkita kami ni Nelson, ay inabot niya sa akin ang halagang P40,000 bilang aking bahagi sa kabayaran,” ani Mendoza. 

Kalaunan, sinabi ni Mendoza kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa kaniyang interpellation na nagpasya siyang lumantad "dahil sa kaniyang konsensya.”

Mga pagtanggi

Gaya umano ng inaasahan, itinanggi ni Garma ang mga paratang ni Mendoza. "This is the first time...iniisip kung saan ba...I cannot recall if I've met him or what, ngayon ko lang po narinig din ang name niya, Mr. Chair," aniya. 

Hinggil sa pahayag na tinawagan umano ni Leonardo si Mendoza, sa ngalan din niya, upang mag-alok ng trabaho, sinabi ni Garma: "Hindi ko po alam ‘yung sinasabi po niya, I cannot speculate Mr. Chair."

Sinabi rin ni Garma na maayos umano ang relasyon nila ni Barayuga nang magkasama sila sa PCSO. 

Sa pahayag naman ni Leonardo, kinilala niya si Mendoza bilang kaniyang “underclassman,” ngunit iginiit na kailanman ay hindi siya nag-utos na gawin ang anumang bagay.

"Nagulat nga rin po ako, Mr. Chair at lagi na lang po akong nasasali sa mga ganito...I vehemently deny the allegations."

‘Totoong motibo?’

Ibinahagi ni Pimentel sa mega-panel information ang posibleng motibo umano ng pagpatay kay Barayuga.

"Mr. Chair, I would just like to point out that at the time that General Barayuga was killed, there was an ongoing investigation by NBI (National Bureau of Investigation) regarding corruption in PCSO, most specifically in the operations of STL--small town lottery," aniya. 

"According to NBI officer-in-change Eric Distor, he (Barayuga) was prepared with all the documents and in fact he was prepared to testify against the corruption and illegal practices in PCSO... The motive of the killing of General Barayuga was to stop [him] from testifying against Col. Garma. Yun po ang totoong nangyari, Mr. Chair," saad ni Pimentel.

'Isang babaeng nakabalatkayo bilang isang maamong tupa' 

Binigyang-diin ng solon mula sa Surigao del Sur dating idinadawit si Garma bilang nagdidirekta sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong Agosto 2016. Hindi siya nagpigil sa kaniyang opinyon sa dating PCSO opisyal.

"Mr. Chair, Col. Royina Garma has been involved in the different killings all over the country...Ngayon po, klarong-klaro po na ang mastermind ng pagpatay kay General Barayuga, walang iba po kung hindi po si Col. Garma, in cooperation, in cahoots with Col. Leonardo," aniya.

Saad pa ni Pimentel: "Col. Garma is a woman disguised as a meek lamb; but deep inside her, she is a ruthless killer, killing without mercy innocent people, killing without remorse innocent victims, especially in the war or drugs."

‘Ibalik ang death penalty’

Nananawagan si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chairman ng quad-comm, na muling buhayin ang parusang kamatayan para umano sa mga karumal-dumal na krimen, kasabay ng pagpasa ng mga pangunahing reporma sa lehislatura na naglalayong lansagin ang criminal syndicates, panagutin ang mga tiwaling opisyal, at pabalikin ang peace and order sa bansa. 

Binigyang-diin ni Barbers, sa kaniyang opening speech sa pagdinig, ang pangangailangang ibalik ang capital punishment bilang pagpigil umano sa mga karumal-dumal na krimen, kabilang ang drug trafficking at extrajudicial killings (EJKs).

“Naging urong-sulong po tayo sa usaping death penalty noong mga nakalipas na panahon. Tingnan nyo ang nangyari. Sumama po lalo ang naging lagay ng ating kapayapaan at kaayusan. Hindi na takot ang mga kriminal. Lantaran ang ginawang pamamaslang na ngayon ay tinawag nating [EJKs]” aniya.

Sa imbestigasyon nito sa mga EJK na may kinalaman sa droga sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte, inilantad ng quad-comm ang law enforcement officers na nagsisilbi umanong "hired killers" na nagsasagawa ng mga executions batay lamang sa mga hinala ng pagkakasangkot sa droga. 

Binanggit ni Barbers na ang mga pagpatay na ito ay hinimok ng “financial incentives,” kung saan tumatanggap daw ang mga opisyal ng mga gantimpala para sa bawat pagkamatay, hangga't ang biktima ay may label na "drug personality". 

Taong 2006, panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nang i-abolish ang death penalty.

Ellson Quismorio