Nais ng Department of Justice (DOJ) na ibalik si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) mula sa Pasig City Jail.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni DOJ Prosecutor General Officer-in-Charge Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon nitong Biyernes, Setyembre 27, na mas magiging “secured” umano si Guo sa kustodiya ng PNP kaysa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kaugnay nito, inatasan na raw niya ang mga prosecutor na humahawak sa kaso na humingi ng paglipat ng detensyon kay Guo sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
“We are suggesting that they be continued to be detained doon muna sa Custodial ng PNP,” ani Fadullon.
“Alam naman natin ang kakayahan ng BJMP. Hindi sa minamaliit ko pero I feel more secured dito sa PNP security,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Fadullon na kapag ma-detain muli si Guo sa PNP Custodial Center ay mas madali umano siyang maihahatid sa mga pagdinig sa Pasig City RTC at iba pang mga korte kung saan may mga nakabinbin itong kaso.
Matatandaang noong Setyembre 23 nang ilipat si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory kaugnay ng kinahaharap niyang kaso ng qualified trafficking.
MAKI-BALITA: Alice Guo, nailipat na sa Pasig City Jail
Nito lamang din namang Biyernes ng maghain ng “plead not guilty” si Guo sa Pasig RTC kaugnay ng naturang non-bailable qualified trafficking na inihain laban sa kaniya.
Idinadawit si Guo sa umano’y ilegal na mga aktibidad ng Zun Yuan Technology, isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ni-raid kamakailan sa Bamban.
KAUGNAY NA BALITA: Alice Guo, nangakong pangangalanan sino 'most guilty' sa ilegal na POGO