Itinaas na sa Signal No. 1 ang Babuyan Islands at silangang bahagi ng mainland Cagayan dahil sa Tropical Depression Julian, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 5:00 ng hapon nitong Biyernes, Setyembre 27.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Julian 445 kilometro ang layo sa east southeast ng Itbayat, Batanes o 425 kilometro ang layo sa silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-southwest sa bilis na 20 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas na sa Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar sa Luzon:
- Babuyan Islands
- Eastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Gattaran, Lal-Lo, Baggao, Buguey, Aparri, Santa Teresita, Camalaniugan, Peñablanca, Ballesteros)
Base sa forecast track ng PAGASA, inaasahang kikilos ang bagyong Julian pa-south southwest o pa-southwest ngayong Biyernes at bukas ng Sabado, Setyembre 28, bago ito mabilis na tutungo pahilaga simula sa Lunes, Setyembre 30.
Inaasahan daw na patuloy na lalakas ang bagyo at posibleng itaas sa “tropical storm” ngayong gabi o bukas ng umaga, Setyembre 28. Posible pa itong itaas sa “typhoon” category pagsapit ng Linggo, Setyembre 29.
“Rapid intensification is increasingly likely,” saad ng PAGASA.