Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na kaagad nilang ipapaskil sa kanilang website ang Certificates of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CONAs) ng mga kandidato para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections (NLE) matapos ang panahon ng paghahain ng kandidatura sa susunod na buwan.
Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel nitong Biyernes, sinabi ni Garcia na, “Dalawang linggo pagkatapos ng filing of COCs ay maipo-post na natin sa Comelec website ang lahat ng COC ng lahat ng kandidato.”
Ipinaliwanag ni Garcia na kakailanganin nila ng dalawang linggo dahil isusumite pa mula sa probinsya at munisipyo ang COCs ng kandidato.
“Dalawang linggo pagkatapos ng filing of COCs ay maipo-post na natin sa Comelec website ang lahat ng COC ng lahat ng kandidato,” ani Garcia. “Kaya dalawang linggo kasi isa-submit pa mula sa probinsya, munisipyo ang COCs ng kandidato at mangyayari lamang mga isang linggo pagkatapos ng filing ng COC mula October 1 to October 8.”
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11045, sisimulan ng Comelec ang pagpapaskil ng COCs at CONAs sa Oktubre 18, 2024.
Una nang itinakda ng Comelec ang paghahain ng kandidatura mula Oktubre 1 hanggang 8.