Halos “stationary” o hindi kumikilos ang Tropical Depression Julian habang nasa Philippine Sea sa silangan ng Batanes, ayon sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 11:00 ng umaga nitong Biyernes, Setyembre 27.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Julian 525 kilometro ang layo sa silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Base sa forecast track ng PAGASA, inaasahang kikilos ang bagyong Julian pa-south southwest o pa-southwest ngayong Biyernes at bukas ng Sabado, Setyembre 28, bago ito mabilis na tutungo pahilaga simula sa Lunes, Setyembre 30.
Patuloy rin daw na lalakas ang bagyo at maaaring umabot sa kategoryang “tropical storm” ngayong gabi o bukas ng umaga, at sa “typhoon” category pagsapit ng Linggo, Setyembre 29.