November 25, 2024

Home BALITA National

VP Sara, nagsalita hinggil sa mga tangka umanong sirain kaniyang pagkatao

VP Sara, nagsalita hinggil sa mga tangka umanong sirain kaniyang pagkatao
Courtesy: VP Sara Duterte/FB

Naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte hinggil sa pagpapatuloy umano ng mga tangkang “sirain” ang kaniyang pagkatao.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Setyembre 26, nanawagan si Duterte sa mga mambabatas na tigilan na ang paggamit ng mga testigong walang kredibilidad, katulad daw ni dating Department of Education (DepEd) undersecretary Gloria Mercado.

“Sa pagpapatuloy ng mga tangka na sirain ang pagkatao ko, nais ko sanang himukin ang ating mga mambabatas na itigil ang paggamit ng mga testigo na walang kredibilidad o di kaya ay kwestyonable ang layunin,” ani Duterte.

“Halimbawa nito ay si Gloria Mercado na tinanggal sa pwesto bilang undersecretary ng Department of Education at ngayon ay bahagi na ng political machinery laban sa akin. Nais ng Kongreso na paniwalaan ng mga Pilipino si Mercado at kalimutan na umamin itong masama ang kanyang loob nang mawala sa pwesto.”Nagbigay rin ang bise presidente ng mga dahilan umano kung bakit tinanggal sa puwesto si Mercado.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

“1. Humingi si Mercado ng P16 million mula sa isang pribadong kompanya. Malinaw na ito ay labag sa batas. Hindi rin niya ito maaaring itanggi dahil may mga dokumento ito at pirmado niya mismo. 

2. Iginiit niya na mabigyan ng teaching item ang isang indibidwal sa Region VII at ginawa niya itong Executive Assistant sa DepEd Central Office. Makikita ang service record ng taong ito sa BHROD ng Deped.”

“Karagdagang dokumento tungkol sa mga asal ni Mercado sa DepEd:

Minutes of Teacher Education Council meetings — Malinaw dito na sinadya ni Mercado na maantala ang appointment ng executive director ng TEC.”

Ayon pa kay Duterte, maliban umano sa hinaharap na kaso ng korapsyon ay kilala rin daw si Mercado sa “kanyang ugaling paninira sa mga kasamahan sa trabaho, kabilang na ng kapwa matataas na opisyal ng DepEd. Sa akin mismo ay sinubukan ni Mercado na siraan ang tatlong opisyal ng DepEd.”

“Ganunpaman, sana ay pag-isipan ng Kongreso na ang walang pakundangang pagtatampok ng mga testigo laban sa akin ay maaaring sumira sa buhay at kinabukasan ng mga inosenteng empleyado sa DepEd at kanilang mga pamilya,” saad pa ng bise presidente.

Matatandaang sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability nitong Miyerkules, Setyembre 25, iginiit ni Mercado na hiniling ang kaniyang pagbibitiw sa puwesto matapos daw niyang tanggihan ang mungkahi ni dating DepEd assistant secretary Reynold Munsayac na ang mga bidder ay kinakailangan na lamang na mag-usap tungkol sa pagbili ng para sa computerization program ng ahensya. 

Iginiit din niyang nakatanggap siya ng siyam na sobre na P50,000 ang laman bawa isa mula kay dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda, na nagsabi raw sa kaniyang ang mga sobre ay galing kay Duterte.

Itinanggi naman ito ng bise presidente.