Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang 12 line-up ng senatorial candidates na ineendorso ng kaniyang administrasyon para sa 2025 midterm elections.
Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 26, sinabi ni Marcos na magdadala ang alyansang susuportahan ng administrasyon sa susunod na elekyon ng isa umanong mas malakas at mas maunlad na Pilipinas.
“I stand by these leaders, united by one purpose—to serve the Filipino people with integrity and dedication. From Luzon, Visayas, to Mindanao, every region will have a voice in this leadership,” ani Marcos.
“Mga kababayan, this is the alliance that will lead us to a stronger and more prosperous Philippines,” saad pa niya.
Nito lamang ding Huwebes ng umaga sa ginanap na "Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Convention 2024" sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, nang pinangalanan ni Marcos ang kaniyang susuportahang 12 senatorial slate:
Kasama rito sina dating Senate President Tito Sotto III dating Senador Ping Lacson at dating Senador Manny Pacquiao.
Nasa “Bagong Pilipinas” slate din ang reelectionists na sina Senador Lito Lapid, Senador Bong Revilla, Senador Pia Cayetano, Senador Francis Tolentino, at kapatid na si Senador Imee Marcos.
Binubuo rin ng senatorial slate ng administrasyon sina Makati City Mayor Abby Binay, broadcast journalist at dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Erwin Tulfo, House Deputy Speaker, Las Piñas City, Lone District Rep. Camille Villar, at kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Benhur Abalos.
MAKI-BALITA: PBBM, ipinakilala mga kaalyansang senatorial candidates para sa 'Bagong Pilipinas'