Hinamon ni Zambales 1st district Rep. Jay Khonghun si Vice President Sara Duterte na sumailalim sa lie detector test kasama si retired Department of Education (DepEd) undersecretary Gloria Jumamil-Mercado para malaman daw kung sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng totoo.
“Kung talagang sa puso ni VP Duterte eh feeling niya nagsasabi siya ng totoo, mag-lie detector test na lang silang dalawa," ani Khonghun, isang House assistant majority leader, sa isang pahayag nitong Huwebes, Setyembre 26.
"Hindi na kailangan pang mag-deny at manira sa presscon," dagdag niya.
Nitong Miyerkules, Setyembre 25, nang humarap si Mercado, dating Head of Procuring Entity (HoPE) ng DepEd, sa House Committee on Good Government and Public Accountability, at inihayag na nakatanggap daw siya ng kabuuang siyam na sobre na naglalaman ng P50,000 bawat isa, mula umano sa dating kalihim na si Duterte–sa pagitan ng Pebrero at Setyembre 2023.
Nagpapatuloy pa rin ang pagdinig ng komite nang magsagawa ng press conference si Duterte para itanggi na hindi ibinigay kay Mercado ang mga sobreng puno ng pera.
Inilarawan din ng bise presidente si Mercado bilang isang "disgruntled former employee" na ilegal daw na nanghingi ng P16 milyon mula sa mga pribadong kompanya sa ngalan ng DepEd. Itinanggi rin ito ni Mercado.
Binigyang-diin ni Khonghun na tumestigo si Mercado sa ilalim ng panunumpa sa harap ng komite ng gobyerno, habang si Duterte–sa kaniyang maikling pagharap sa panel noong nakaraang linggo–ay tumangging manumpa.
"Kung wala namang tinatago si VP Duterte, walang issue sa pag-take ng lie detector test," ani Khonghun.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng komite ng Kamara ang umano'y maling paggamit ng confidential funds at ang procurement process sa DepEd noong panunungkulan ni Duterte bilang kalihim ng ahensya.
Ellson Quismorio