Isang bagyo sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang posibleng mabuo ngayong weekend, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Setyembre 26.
Sa weather forecast kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja na kasalukuyan nilang mino-monitor ang kumpol ng ulap o cloud clusters sa Northern Luzon.
Inaasahan daw na mabuo bilang low pressure area (LPA) ang naturang cloud clusters ngayong Huwebes o bukas ng Biyernes, Setyembre 27, bago ito mabuo bilang bagyo sa weekend.
Kapag nabuo nang bagyo sa loob ng PAR, ani Estareja, pangangalanan itong bagong “Julian." Ito ang magiging ikasampung bagyo sa 2024 at pang-anim ngayong buwan ng Setyembre.
Bukod dito, binabantayan din ng PAGASA ang isang LPA sa labas ng PAR kung saan huli itong namataan 2,750 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Mababa naman daw ang tsansang pumasok sa PAR ang naturang LPA, bagama’t posible itong maging mahinang bagyo ngayong Huwebes o bukas ng Biyernes.
Sa kasalukuyan ay ang intertropical convergence zone (ITCZ) ang nakaaapekto at inaasahang magdudulot ng mga kaulapan at minsang mga pag-ulan sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
“Itong ITCZ ang siyang linya kung saan nagsasalubong po ang hangin from the northern and southern hemispheres kaya’t medyo mataas po ang tsansa ng mga kaulapaan doon,” ani Estareja.
Samantala, inaasahan naman daw ang medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil naman sa epekto ng localized thunderstorms.