Wala raw nakikitang dahilan si Senate President Chiz Escudero para disiplinahin ang dalawang senador na sina Sen. Juan Miguel Zubiri at Alan Peter Cayetano.
Sa panayam ng media kay Escudero nitong Miyerkules, Setyembre 25, sinabi niyang tao lang daw ang mga senador at kung minsa’y nadadala sa bugso ng damdamin.
“Gaya ng nasabi ko, tao lang naman [sila] na minsan lumalabas ‘yong bugso ng damdamin kaugnay sa kanilang paniniwala at adbokasiya,” saad ni Escudero.
“At natapos din naman ‘yon makalipas ang ilang minuto kung saan naghingian sila ng tawad sa isa’t isa. Naki-eksena na rin ako, humingi ako ng tawad,” wika niya.
Dagdag pa niya: “Dahil medyo mahaba-haba ‘yong oras ng aming pagtatrabaho nitong mga nagdaang linggo, dahil nga sa mga panukalang batas na hinahabol namin. Nangyari ang insidente mag-aalas-nuwebe na rin kasi. So medyo pagod na rin ‘yong mga miyembro at medyo gabi na.”
Matatandaang nag-ugat ang bangayan ng dalawang senador matapos usisain ni Zubiri ang pagtalakay sa Senate Concurrent Resolution No. 23 na inihain ni Cayetano na kaugnay umano sa disenfranchisement ng boto ng 10 Enlisted Men's Barrios (EMBO) barangay sa Taguig City at Pateros.
MAKI-BALITA: Cayetano, Zubiri nagkainitan sa Senado dahil sa umano'y isang resolusyon